SEA Games: Pilipinas nakasungkit ng 6 na medalya sa lawn bowls

Gracie Rutao, ABS-CBN News

Posted at Dec 05 2019 05:44 AM

PAMPANGA—Nakapagtala ang Pilipinas ng 6 na medalya sa 4 na araw na lawn bowls competition sa 30th Southeast Asian (SEA) Games sa Clark Freeport Zone.

Nakakuha ang mga atletang Pinoy ng gold sa men's pairs, 3 silver sa women's triples, men's triples at women's fours at 2 bronze sa women's pairs at men's fours.

Singdami ito ng nasungkit nila sa huling palaro na ginanap sa Malaysia noong 2017.

Aminado ang koponan ng Pilipinas na gahol sila sa oras sa pagsasanay.

"Dahil kami talaga ang nag-construct nitong venue namin, talagang kinapos kami sa training," ani Philippine lawn bowls competition manager Ronalyn Greenlees.

"Ahead sila then nawala na 'yong momentum nila... Siguro dahil they want to please the people, the crowd that's cheering for them, siguro na-pressure, minalas sila," aniya.

Matatandaang 5 araw bago ang pormal na pagbubukas ng SEA games palang nakapag-training ang Philippine lawn bowls team na tumulong sa pagtatayo ng kanilang venue sa Clark Freeport Zone.

Bilib naman ang ibang manlalaro sa ibang bansa sa pagpupursigi at determinasyon ng Philippine team na makapaglaro at makapagpatayo ng green venue para sa SEA Games.

"To me, I thank [the] lawn bowl federation of the Philippines for having this green," ani Malaysian lawn bowls team manager Syed Zainal Abidin.

Nag-uumapaw naman ang pasasalamat ng Philippine lawn bowls team, lalo na sa mga kapuwa Pilipino na patuloy na nagbubunyi sa kanilang mga panalo.

"Salamat sa suporta," ani Greenlees.

2019 SEA Games