'Lumingon sa pinaggalingan': Fil-Am champ sa #SEAGames2019 swimming, tinupad ang pangarap ng lolo't lola

Karl Cedrick Basco, ABS-CBN News

Posted at Dec 05 2019 12:19 PM | Updated as of Dec 05 2019 12:30 PM

'Lumingon sa pinaggalingan': Fil-Am champ sa #SEAGames2019 swimming, tinupad ang pangarap ng lolo't lola 1
James Deiparine wins gold in the SEA Games 100m breaststroke swimming in Capas, Tarlac on December 4, 2019. Mark Demayo, ABS-CBN News

NEW CLARK CITY -- "Jimmy, I want you to swim for the Philippines one day."

Ito ang madalas na paalala ng lolo at lola ng Fil-Am na si James Deiparine noong siya ay anim na taong gulang pa lamang.

Dalawang dekada matapos ang paalalang iyon, tinupad ni Deiparine ang pangarap para sa kaniya ng lolo't lola -- ang kumatawan sa Pilipinas sa isang malaking kompetisyon ng iba't ibang bansa.

Lumaki sa Estados Unidos ang 26-anyos na si Deiparine ngunit dahil sa paulit-ulit na sinasabi ng kaniyang pamilya, nasa Pilipinas ang puso nito.

At nitong Miyerkoles lamang, sa harap ng libo-libong Pilipino sa Aquatics Center, sumulat ng kasaysayan si Deiparine bilang unang Pilipino na nanalo ng ginto sa SEA Games sa nakalipas na 10 taon.

Sa kauna-unahang pagkakataon, tumugtog ang pambansang awit ng Pilipinas sa SEA Games pool matapos ang isang dekadang paghihintay.

"They told me to never forget where I came from. They always wanted me to represent the Philippines on the international stage. This is for them because they are no longer with us today," ani Deiparine.

Naunang natuto lumangoy si Deiparine dahil sa kagustuhan ng kaniyang magulang na maging ligtas ito sa tubig, lalo pa't nakatira sa tabi ng isang lawa sa Seattle, Washington.

"We live near the lake so it's important for us, just for safety, all the kids learn to swim. He loved it so much. He joined a mini-swim team for our community club," kuwento ni Pat Deiparine, ina ng manlalangoy.

Ayon sa magulang nito, maagang kinahiligan ni Deiparine ang paglangoy kaya naman tutok lagi ito noon pa sa TV para manood ng Olympics at lumahok sa mga mini-swimming competitions sa kanilang lugar sa US.

Kaya naman pagtuntong nito ng 12 anyos, itinigil na niyang maglaro ng basketball, soccer, at baseball para pagtuunang-pansin ang swimming.

"Swimming is where I am best at," maikling paliwanag ni Deiparine.

Bukod sa pamilya, malaki rin umanong inspirasyon sa atleta ang mga batang swimmer na nagpapadala ng mga mensahe sa kaniya upang i-congratulate siya o 'di kaya ay humingi ng payo.

Ito rin umano ang dahilan kung bakit hindi pa tumitigil lumangoy ang manlalaro, ayon sa kaniyang magulang.

"They inspire me because I was just like a normal swimmer just like everyone else. I know what it's like to be in their position, in looking up to older swimmers. Just remind me when I was a young swimmer as well," saad ni Deiparine na nagkampeon sa men's 100-meter breaststroke.

"He loves kids. They'll send him messages. There are times he wanted to quit because it is so hard and then another little swimmer will mesage him. Then, he would say 'I can't quit mom,'" sabi ng kaniyang ina.

May natitira pang ibang event si Deiparine na naghahangad madagdagan ang ginto sa biennial meet. Nangako ito na sa susunod na tutugtog ang Lupang Hinirang dahil sa kaniya, kabisado na niya ito.

Para sa iba pang balitang pampalakasan, pumunta sa website ng ABS-CBN Sports.