Timor-Leste trending sa Twitter matapos umani ng suporta mula sa mga Pinoy

ABS-CBN News

Posted at Dec 04 2019 11:36 AM

MANILA -- Nag-trending sa Twitter ang Timor-Leste, Martes ng gabi, matapos umani ng suporta mula sa mga Pinoy na naghahangad na maipanalo ng kupunan ang kanilang unang medalya sa 30th Southeast Asian Games.

Dumagsa ang mga pahayag ng pagsuporta matapos mabigo ng Timor-Leste na mag-uwi ng medalya isang linggo simula nang magbukas ang SEA Games na ginaganap sa iba't ibang bahagi ng Luzon.

Ayon sa ilang netizens, kung mabibigong manalo ang Timor-Leste sa kahit isang laro ay dapat silang bigyan ng Pilipinas ng isang special "Sportsmanship Award."

Ang ibang netizen naman ay ginamit ang official slogan ng SEA Games na "We Win As One" bilang isang hashtag upang ipaalala na kahit na magkatunggali ang Pilipinas at Timor-Leste sa mga palaro, ay suportado pa rin ng mga Pinoy ang mga atleta mula sa iba't ibang bansa.

Samantala, may pagkakataon pa ang Timor-Leste na makapag-uwi ng medalya dahil tuloy-tuloy pang ginaganap ang SEA Games hanggang sa Disyembre 11.

Para sa iba pang balitang pampalakasan, pumunta sa website ng ABS-CBN Sports.

2019 SEA Games