#SEAGames2019: Dehado man, PH takraw team desididong manalo ng medalya

Karl Cedrick Basco, ABS-CBN News

Posted at Dec 04 2019 01:21 AM

Hangad ng Philippine sepak takraw team na makakuha pa ng mga medalya sa 30th Southeast Asian (SEA) Games. Mark Demayo, ABS-CBN News

SUBIC—Hindi man sa Pilipinas orihinal na nagsimula ang larong sepak takraw, patuloy pa rin ang pagsisikap ng koponan ng bansa na makipagsabayan sa ibang mga bansa. 

Simula nang maisama ang takraw sa SEA Games, hindi pa nakakatikim ang Pilipinas ng gintong medalya. Ngunit sa ngayong edisyon ng palaro na ginaganap mismo sa bansa, nakamit na ng mga manlalarong Pilipino ang 2 ginto. 

Sa larong pinaghaharian ng mga karatig bansa sa Timog Silangang Asya lalo na ng Thailand, aminado ang head coach ng Pilipinas na si Rodolfo Eco na iba ang programa ng mga katunggali pagdating sa sepak takraw. 

"Ang Thailand talaga napakaganda ng program nila kasi meron silang tinatawag na Thai League. Meron silang every week na competition," sabi ni Eco sa ABS-CBN News. 

Kuwento pa nito, 'di kagaya sa Pilipinas na popular na laro ang basketball, sa bansa kagaya ng Thailand, takraw ang pangkaraniwang nilalaro sa labas. 

Kung sa Pilipinas, kahit mga poste ay nagagawang basketball ring ng mga Pilipino, sa Thailand aniya basta may bakanteng lote, maglalaro ang mga ito ng sepak. 

Bukod pa rito ang magagandang pasilidad na nakalaan para lamang sa mga atleta ng naturang isport kagaya na training center na wala sa Pilipinas.

Ayon kay Eco, bagamat may napag-e-ensayuhan ang kaniyang mga manlalaro, hindi ito talaga nakalaan para sa kanila. 

"May training venue tayo pero di namin matatawag na amin kasi after na mag-training kami, ililigpit namin 'yong taraflex tapos balik ulit kinabukasan," paglalahad ng tagapagsanay. 

Ngunit sa kabila ng pagiging dehado sa mga katunggali, naniniwala si Eco na mas lumakas na ang koponan ng Pilipinas ngayon at mas maayos na ang programa. 

Binigyang-pugay ni Eco ang pangulo ng Sepak Takraw Federation sa Pilipinas na si Karen Caballero sa malaking sakripisyo nito para sa ikabubuti ng programa ng isport sa bansa. Ayon sa kaniya, si Caballero ang maituturing nilang lamang ng Pilipinas kontra sa ibang bansa. 

Handa umano itong punan lahat ng pangangailangan ng team higit lalo sa pag-eensayo kaya naman umaangat na rin ang laro sa bansa.

"Maganda 'yong program namin dahil 'yong president namin very active siya. Siya po ang very active sa sepak takraw. Ginagawa niya lahat para sa ikagaganda ng sepak takraw," ani Eco. 

Patunay aniya sa hindi matawarang suporta ni Caballero ang pagpapadala sa national team sa Thailand upang maghanda para sa SEA Games. 

Kuwento ni Eco, 3 buwan ang naging pagsasanay nila sa Thailand na lalong nakatulong para sa kaniyang atleta para sa SEA Games. 

"Nakapag-training kami sa labas na di naman noon nangyayari . . . Malaking bagay 'yon kasi wala naman kami talagang training venue dito na sepak takraw," pag-amin ni Eco.

Dahil dito, kumpyansa si Eco na makakasukbit pa ng mga medalya ang kaniyang mga manlalaro sa pagpapatuloy ng aksyon sa SEA Games. Mas tiwala aniya siya na kayang makipagsabayan ng mga Pilipinong manlalaro sa sepak sa mga higit na nakakalamang sa laro. 

"Malaki na chance namin ngayon, ngayon sure na kami sa bronze e. 'Pag nanalo kami sa next game, pang finals na namin 'yon," saad nito. 

Para sa iba pang balitang pampalakasan, bisitahin ang ABS-CBN Sports website.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.
2019 SEA Games