#SEAGames2019: Pamilya ng arnis gold winner, nakaranas ng lubhang pagkagutom

Dennis Gasgonia, ABS-CBN News

Posted at Dec 03 2019 07:31 PM | Updated as of Dec 03 2019 09:57 PM

Kuwento ni Dexler Bolambao, minsa’y hirap silang makahanap ng makakain: “May araw na di ka kakain, matutulog na lang.” George Calvelo, ABS-CBN News/file

ANGELES CITY—Aminado ang anisador na Dexler Bolambao na minsan na siyang nakaramdam ng matinding pagkagutom dahil sa hirap na pinagdaanan ng kanyang pamilya.

Anak ng mangingisda sa Leyte si Bolambao na nanalo ngayong linggo ng ginto sa Southeast Asian Games at naikuwento niya na nakaranas na silang hindi kumain sa loob ng isang araw.

“Nakakaranas kami n’yan,” kuwento ni Bolambao.

“May araw na di ka kakain, matutulog na lang. May araw di kakain ng isang beses sa isang araw, dalawa sa isang araw o tatlo sa isang araw lalo kung may bagyo. Nakaranas kami n’yan.

“Kaya ’yun ang nag-udyok sa puso ko na kahit ano’ng hirap, kailangang tatagan kasi kung hihinto ako sa tirla na binigay ng Panginoon, lalo akong maghihirap.”

Sa tulong ng arnis na natutunan niya noong high school sa MAPEH, nagkaroon siya ng daan para kahit papaano maiangat ang pamilya niya sa hirap.

Pero inamin din niyang hindi madaling maging eksperto sa arnis lalo na at makakaranas ka ng sakit ng palo ng yantok sa katawan.

“Di nawawala ’yun. Ito ba ang linya ko sa buhay, may bukas ba ako dito? Pero iniisip ko baka trials lang ng Panginoon kasi kung gusto kong maayos ang kinabukasan namin, kailangang pagtiyagaan,” ayon kay Bolambao.

Sa kaniyang pagpupursige, nakarating siya ng Cebu at patuloy na naghasa ng kaalaman sa arnis sa tulong ng Doce Pares arnis.

Biniyayaan siya ng Doce Pares ng scholarship para makapagtapos sa ng pag-aaral sa Cebu Technological University.

Nitong Linggo lang nilagpasan niya ang ilan sa pinakamagagaling na arnisador sa under-60 kilogram division ng SEA Games bago harapin si Paing Soc ng Burma sa final round ng live stick contest.

Tinalo niya ang Burmese sa unanimous decision para makuha ang gintong medalya. 

“Talagang sobrang saya ko . . . Wala ako halos pagsidlan ng tuwa ko,” aniya.

Para sa iba pang balitang pampalakasan, bisitahin ang ABS-CBN Sports website.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.
2019 SEA Games