SEA Games: PH lawn bowls team nakasungkit ng 4 na medalya

Gracie Rutao, ABS-CBN News

Posted at Dec 02 2019 11:56 PM

Matagumpay ang pagtatapos ng ikalawang araw ng kompetisyon sa larong lawn bowls para sa 30th Southeast Asian (SEA) Games sa Clark Freeport Zone.

Nasungkit ng men's pairs ang gold medal sa naging laban nito sa Thailand.

Matatandaang hindi kaagad nakapag-ensayo ang Philippine team dahil tumulong pa sila sa konstruksiyon ng gagamiting lawn bowls venue sa Clark.

"Almost 5 days lang yata kami nakapag-training sa venue dahil nga tumulong kaming gumawa. Kung hindi kami tumulong, hindi pa kami makakapag-training," ani gold medalist Angelo Morales.

Para kay Rodel Labayo, sulit ang pagod at pagsasakripisyo nila dahil sa nakuhang ginto

"Nagtulungan lang po talaga kaming 2 kontra po sa katunggali namin," aniya.

Nakasungkit din ng silver ang ladies' fours at men's triples na sina Homer Mercado, Elmer Abatayo at Christopher Dagpin. Nagkamit din ng bronze medal ang Philippine team sa ladies' fours.

Bukas ang huling araw ng kompetisyon sa lawn at kung papalarin, maaari pang makasungkit ng gintong medalya ang Pilipinas sa ladies' triples at men's fours

Samantala, pansamantalang binaklas ang mga tent, inalis ang mga upuan at lamesa, pati mga LED TV at monitor sa ilang competition venues sa Clark Freeport Zone bilang paghahanda sa bagyong Tisoy.

Sa kabila nito, nanindigan ang mga organizer na wala pa ring kanselasyon ng mga laro sa SEA games sa Clark Freeport Zone

"Ang decision for cancellation ng games is manggagaling po sa technical delegates, sa competition managers and venue managers if they deemed na alanganin po bukas na ituloy," ani Police Col. Jean Fajardo, provincial director ng Pampanga police.

Ilang outdoor sporting event pa rin ang idinaraos sa Clark Freeport Zone tulad ng lawn bowls, petanque, soft ball at baseball, habang sa Disyembre 5 pa mag-uumpisa ang iba pa tulad ng rugby 7s at archery.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.
2019 SEA Games