PH nahigitan ang dami ng gold medals na nakuha sa 2017 SEA Games

ABS-CBN News

Posted at Dec 02 2019 07:45 PM | Updated as of Dec 02 2019 09:52 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

(UPDATE) Umabot na sa 38 ang bilang ng gintong medalya nakuha ng Pilipinas sa 30th Southeast Asian (SEA) Games, mas marami sa mga gintong medalyang nakuha sa 2017 edition ng palaro.

Ikalawang araw pa lang ng palaro pero nalampasan na ng Pilipinas ang gold medal haul nito kumpara noong 2017.

Labingsiyam naman ang silver medal na nakuha ng Pilipinas at 10 bronze, base sa huling tala bandang alas-6:30 ng gabi ngayong Lunes.

Nangunguna pa rin ang Pilipinas sa may pinakamaraming medalya sa SEA Games. Pumangalawa naman ang Vietnam.

Nasungkit ni Hidilyn Diaz ang ginto sa women's 55-kilogram event ng weightlifting.

Watch more in iWant or TFC.tv

Sa panayam ng "TV Patrol," sinabi ni Diaz na masaya siyang nakakuha ng ginto sa SEA Games na idinaos sa Pilipinas, lalo at napanood siya ng kaniyang pamilya at mga kaibigan.

"Talagang ramdam na ramdam ko 'yong suporta ko," aniya.

Inamin din ni Diaz na kinabahan siya at na-pressure dahil sa dami ng mga tagasuportang nanoood sa laban niya.

Samantala, sa gymnastics, nanguna si world champion Carlos Yulo sa individual all-around ng men's artistic gymnastics.

Nakakuha rin ng ginto ang mga Pinoy triathletes sa mixed relay.

Nanalo rin ng ginto si Edmar Tacuel para sa men's pencak silat at Monica Torres sa women's individual duathlon.

Sa dancesport, kung saan 13 medalya ang nakataya, naka-10 medalya ang Pilipinas.

Panalo ang Pilipinas laban sa Indonesia sa women's hoop event ng Sepak Takraw.

Nanalo rin ang men's team ng Pilipinas sa Sepak Takraw laban sa Laos.

Sa triathlon, naka-back-to-back win ang Pilipinas nang masungkit ni John Chicano ang gold sa men's individual triathlon habang panalo naman sa women's triathlon si Kim Mangrobang.

Nakaginto rin si Agatha Wong sa women's taijiquan sa wushu.

Sa kurash, nag-uwi rin ng ginto si Estie Gay Linawen sa 63-kilo division.

Back-to-back ang panalo ng Pilipinas sa 3-on-3 basketball.

Nasungkit ng Gilas Pilipinas Women ang ginto matapos talunin ang Thailand, 17-13, sa final game.

Panalo rin ang men's team laban sa Indonesia, 21-9.

WALANG EXTENSION

Samantala, sa kabila ng pagtama ng bagyong Tisoy sa Luzon, iginiit ng Philippine Southeast Asian Games Organizing Committee (Phisgoc) na walang extension ang SEA Games.

Ipinagpaliban lang ang kayak at sailing sa Subic Bay, at surfing sa La Union.

"When the typhoon passes by, mga 4 hours tapos na 'yan, and then we resume again," ani Phisgoc chief operating officer Ramon Suzara.

-- Ulat nina Willard Cheng at Jeff Canoy, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.
2019 SEA Games