SEA Games: Margielyn Didal tiwalang mananalo ng gold kahit may injury

ABS-CBN News

Posted at Nov 27 2019 08:16 PM

Watch more in iWantTFC

Tiwala ang Pinoy skateboarder na si Margielyn Didal na makakakuha siya ng gintong medalya sa 30th Southeast Asian (SEA) Games sa kabila ng tinamong injury.

Sa panayam ng ABS-CBN News, tiniyak ni Didal na handa siyang sumabak sa laro at sumasailalim na sa therapy.

Natapilok si Didal noong gabi ng Linggo habang nagsho-shoot ng commercial sa Cebu City, dahilan para mamaga ang kaniyang paa.

"I'm used to it na nagse-skate kahit may tapilok," aniya.

Taong 2018 nang makilala si Didal matapos manalo ng gold medal sa women's street skateboarding event sa Asian Games.

Sasabak siya sa street at game of skate categories sa SEA Games.

Excited din daw si Didal dahil manonood ang kaniyang pamilya.

"Sobrang laking bagay especially pupunta ang family ko ,first time nila manood na magko-compete ako," aniya.

"Kasi dati, local or international, hindi sila makapunta kasi sobrang busy," dagdag niya.

Sa harap ng mga umusbong na problema sa SEA Games, nanawagan si Didal sa mga Pilipino at kapuwa atleta na magtulungan na lang.

"Positive vibes na lang," ani Didal.

"'Yong mindset ng athletes natin kailangan dapat naka-focus sa events... sana i-cheer na lang 'yong athletes," aniya.

Disyembre 3 ang unang sabak ni Didal sa game of skate category at Disyembre 5 naman sa street category.

-- Ulat ni Dennis Datu, ABS-CBN News

Para sa iba pang balitang pampalakasan, bisitahin ang ABS-CBN Sports website.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.