TINGNAN: Ilang Pinoy na lawn bowler, tumulong sa paggawa ng SEA Games venue

ABS-CBN News

Posted at Nov 26 2019 09:39 PM | Updated as of Nov 26 2019 11:21 PM

Kahit pagod na, abot tenga pa rin ang mga ngiti ng Philippine national lawn bowls team sa gitna ng paggawa ng venue ng naturang sport para sa SEA Games sa Clark, Pampanga. Ayon sa kanila, hindi sila kaagad nakapag-ensayo dulot ng trabaho nila.

Tumulong ang national lawn bowls team ng Pilipinas sa paggawa ng kanilang venue sa Clark Freeport sa Pampanga, bago sila nakapag-ensayo sa nalalapit nilang mga laro sa Southeast Asian (SEA) Games.

Nagtayo sila ng mga tent, nagpatubo ng damo o ang tinatawang na "bowling green", at gumawa rin sila ng ditch sa gilid ng mga ito at rubberized fence para sa nasabing sport.

Isa sa mga tumulong ay si Ronalyn Greenlees, na nanalo ng gold at silver medals sa Asia Pacific Championships at world championships sa naturang sport. 

Kwento niya, hindi biro ang pinagdaanan ng kaniyang team. Hindi sila umano kaagad nakapag-ensayo kasi tumulong sila sa paggawa at pagpapatayo ng mga venue ng lawn bowling sa Clark.

“Mahigit isang buwang hindi kami nakapag-practice. Gumawa kami ng sarili naming lawn bowls. 'Yun ang disadvantage ng mga atletang Pilipino sa lawn bowls. Physically, sa sobrang pagod namin diyan araw-araw, we are physically fit. Mentally, 'yung isa't isa sa amin tinulungan namin, na kaya natin ito," aniya.

"Sana'y kami sa ietsapuwera-etsapuwera kung saan-saan, so lalo pa kaming tumibay.”

Pero sa kabila nito, kumpyansa umano sila na mananalo sila ng mga gintong medalya sa SEA Games, lalo't nasa home court sila.

“Gagalingan pa namin kung nand'yan kayong sumusuporta sa amin. Lahat 'yan may tsansa, kayang-kaya! We are 100 percent ready!” ani Greenlees.

Sa huling biennial meet ng sport sa Malaysia noong 2017, nakakuha ng isang gold, tatlong silver, at dalawang bronze medals ang mga lawn bowlers ng bansa. — Ulat ni Gracie Rutao, ABS-CBN News

Para sa iba pang balitang pampalakasan, bisitahin ang ABS-CBN Sports website.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.
2019 SEA Games