SEA Games: Ilang venue sa Rizal Memorial Stadium, hindi pa rin handa

ABS-CBN News

Posted at Nov 25 2019 09:58 PM | Updated as of Nov 26 2019 10:00 AM

 

MAYNILA—Hindi pa rin handa ang ilang venue ng mga palaro sa 30th SEA Games na isinasagawa sa Rizal Memorial Stadium sa Maynila.

Kahit nagsimula na ang elimination round sa men's football nitong Lunes sa pagitan ng Malaysia at Myanmar na tabla ang resulta, marami pa ring ginagawa sa nasabing football stadium.

May mga mesa pang kalalagay lang sa venue at hindi pa naalis ang plastic na balot.

Sa labas, bagamat handa na ang pulisya sa pagpapanatili ng kaayusan, may maririnig pang nagbabaon ng pako.

Dahil may laro na sa football, ang ibang media entity ng mga koponang bansa ay nagdatingan na pero ang media center ay hindi pa tapos.

Watch more in iWant or TFC.tv

Dalawang halogen lamp at may 5 air-conditioning unit ang nasabing center pero 2 pa lang dito ang gumagana kaya mainit.

Kita rin sa loob ang mga hollow block na iba'y kalalagay lang.

Pinasilip din sa ABS-CBN News ang venue para sa taekwondo at weightlifting na may kaunting re-touch lang ng mga pintura, habang ang mga ilalatag sa flooring ay wala pa. 

Sa Disyembre 2 ang simula ng mga laro rito.

Nagpunta din ang ABS-CBN News sa venue ng paglalaruan ng tennis. May mga pavement pa na kasesemento lang at mukhang may nagkamali pa ng apak at nag-iwan ng footprint sa sahig.

Sa December 1 at 2 din ang mga unang laro dito.

Hindi man tapos ang venue, tuloy sa Lunes ang laban ng Pilipinas at Cambodia sa men's football alas-8 ng gabi.—Ulat nina Dexter Ganibe at Kori Quintos, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.
2019 SEA Games