Pacquiao, inatasang magsisindi ng SEA Games flame sa opening ceremony

Gretchen Fullido, ABS-CBN News

Posted at Nov 16 2019 07:34 PM | Updated as of Nov 16 2019 08:12 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

CEBU CITY—Libo-libong runners sa lungsod na ito ang nakiisa nitong Sabado sa isang torch run para sa Southeast Asian Games (SEA Games), dalawang linggo bago ang opisyal na pagbubukas ng palaro na gaganapin sa bansa.

Samantala, ang boxing champ na si Sen. Manny Pacquiao at isa pang atleta ang magiging official torch bearers na magsisindi ng SEA Games cauldron sa Nob. 30.

Si world gymnastics champion Carlos Yulo ang unang inatasang magsisindi ng SEA Games flame, ngunit pinalitan siya ni Pacquiao dahil kailangan umanong sumabak sa kompetisyon kinabukasan ni Yulo.

Inilawan ang mini cauldron sa Cebu City, simbulo ng pagkakaisa ng bansa para sa SEA Games.

Limang kilometero ang tinakbo ng nasa 6,500 runners sa isang mall complex kung saan ipinasa-pasa ang torch na disenyo ni Daniel dela Cruz.

Kabilang sa torch bearers sina Presidential Assistant for the Visayas Mike Dino, Cebu City mayor Edgar Labella, Philippine Southeast Asian Games Organizing Committee (PHISGOC) chief operating officer Ramon "Tats" Suzara, at iba pang lokal na opisyal at champion athletes.

"I'm so happy to be here. What a great opportunity. It's my first SEA Games [and] I've been training really hard for it. I'm a little pressured but I love it, I'm passionate about it so I'm just going to do my best out there," ani Tomas Romualdez, downhill skater.

Ayon naman kay Kim Remolino, triathlete: "Sobrang nakaka-proud po, sa 6,000 runners kami po mangunguna sa kanila. It's our great honor. Parang buong Cebu po nakasuporta sa amin, talagang ipu-push po namin na manalo sa SEA Games."

Sa opening ng SEA Games sa Nobyembre 30 sa Philippine Arena, magkakaroon naman ng digital lighting.
    
Para sa iba pang balitang pampalakasan, bisitahin ang ABS-CBN Sports website.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.
2019 SEA Games