Mga hotel malapit sa SEA Games venues inaasahang mag-'full house'

ABS-CBN News

Posted at Nov 15 2019 07:45 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Inaasahang mapupuno ang mga hotel na pinakamalapit sa mga lugar na pagdarausan ng ilang kompetisyon sa Southeast Asian Games (SEA Games). 

Kabilang dito ang Century Park Hotel sa Maynila, na tutuluyan ng ilang manlalarong lalahok sa SEA Games. 

Nasa 65 porsiyento ng higit 400 kuwarto ng hotel ang ilalaan sa football players at gymnasts ng anim na bansa. 

Pinakamalapit ang lugar sa Rizal Memorial Sports Complex sa Maynila, na pagdarausan ng aabot sa pitong sports. 

"We are doing all the things that we can do, making sure the rooms are comfortable, clean and comfortable, neat and tidy as all our guests are all VIPs (very important persons) and we will take good care of them," ani Anthony Tan, general manager ng hotel. 

Plantsado na rin ang seguridad at pagkain ng mga atleta. 

"We are making sure that they have a lot of nutrition for the games," pahayag ni Tan. 

Inaasahan ding magiging full house ang mga hotel sa Clark, Pampanga kung saan idaraos ang maraming laro, kasama na ang closing ceremony. 

Ayon kay Ann Olalo, general manager ng Park Inn by Radisson Clark, inaasahan nilang mapupuno ang kanilang hotel ng iba't ibang panauhin at turista. 

"[There are] 154 rooms and we expect the hotel to be full. We would have more of a combination of like spectators, sponsors, and then families and not more so for athletes because they would be nearer to the venue," pahayag ni Olalo. 

Para kay Ma. Michelle Reyes-Victoria ng Philippine Travel Agencies Association, malaking oportunidad ang SEA Games para maipagmalaki ang turismo sa bansa. 

"Isa ito sa mga opportunity natin na ipagmalaki kung anong meron tayo so we have to take advantage of this opportunity," aniya. 

Gaganapin ang opening ceremony ng SEA Games sa Nobyembre 30, 2019 

-- Ulat ni Willard Cheng, ABS-CBN News 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.
2019 SEA Games