NCAA: Tenorio, sinagot ang akusasyong 'tinraydor' niya ang San Beda

ABS-CBN News

Posted at Nov 14 2019 04:55 PM

Ipit ang "Tinyente" sa hidwaang Letran-San Beda. File/PBA Media Bureau

Hindi maiwasang maipit ang Barangay Ginebra star na si LA Tenorio sa labanang San Beda University at Colegio de San Juan de Letran sa NCAA.

Tinawag na “traydor” ang dating Bedista na ngayon ay bahagi ng staff ni Letran coach Bonnie Tan.

"Wala eh, ganoon talaga ang buhay," ani Tenorio sa artikulong lumabas sa Spin.ph. "Nandito ako sa Letran, I'm part of the coaches, and I'm here para tulungan ang mga bata.”

"I think 'yun ang mas importante sa akin ngayon. It's not about me, it's about the players. Gusto kong matulungan sila, ma-inspire sila to become better players and better persons."

Dating naging parte ng San Beda Red Cubs ang PBA star bago siya lumipat sa Ateneo de Manila University.

Aniya, hindi naman nawawala ang mga natutunan niya sa San Beda kahit lumipat pa siya ng paaralan.

"It doesn't matter kung nasa Letran ako. 'Di naman ibig sabihin na binabalewala ko na nag-San Beda ako. Nandoon pa rin ang pagiging Bedista ko," ayon kay Tenorio.

Matatandaang tinalo ng Knights ang Red Lions sa Game 1 ng kanilang best-of-3 finals, 65-64, nito lamang Martes.

For more sports coverage, visit the ABS-CBN Sports website.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.