Soccsksargen team sa MPBL kinasuhan dahil sa 'game fixing'

ABS-CBN News

Posted at Nov 12 2019 03:07 PM | Updated as of Nov 12 2019 10:42 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

(UPDATE) Kinasuhan ng National Bureau of Investigation (NBI) at pamunuan ng Maharlika Pilipinas Basketball League (MPBL) ang ilang miyembro ng Soccsksargen Marlins dahil sa umano ay pagmamanipula sa laro para kumita ang basketball team sa online betting.

Kasama sa mga inireklamo ang 9 miyembro ng managing team ng Soccsksargen Marlins at 11 nilang basketball player.

Lumabas umano sa imbestigasyon ng mga awtoridad na nagpatalo ang team sa mga laro para kumita ang tumatayong ilang financier na si "Mr. Sung," isang Chinese national, sa online betting.

Dinidikta raw ni "Mr. Sung" kung ano dapat ang score ng Soccsksargen Marlins kada quarter para mahikayat ang pagtataya ng mga parokyano at para matalo ang mga ito sa online betting.

Ayon kay Kenneth Duremdes, MPBL commissioner, naghinala na sila sa Soccsksargen Marlins dahil sa lahat ng 18 laro ng team mula Hulyo, palagi itong talo.

Mismong coach at ang 6 iba pang player ng team ang naging whistleblower sa kaso.

Nabibigyan daw ng hati sa tayaan ang mga star player, na aabot sa P40,000 bawat laro, depende sa kita.

Pinatawag ng NBI ang mga itinurong player at staff ng team para magpaliwanag sa paratang pero hindi pumunta ang mga ito.

Nasuspende na rin ng MPBL ang Soccsksargen Marlins sa paglalaro.

Iniimbestighan naman ng NBI kung may iba pang kasabwat.

Tinatayang higit P1 milyon ang kinita ni "Mr. Sung," na kinasuhan din ng game fixing, point shaving, at betting.

-- Ulat nina Niko Baua at Johnson Manabat, ABS-CBN News

Para sa iba pang balitang pampalakasan, pumunta sa website ng ABS-CBN Sports.
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.