NBA: Load management, nakabubuti ba o nakasasama sa liga?

ABS-CBN News

Posted at Nov 08 2019 11:44 PM

Nasa gitna ngayon ng kontrobersiya si Kawhi Leonard, na nagpasikat sa tinatawag na load management. Kirby Lee, USA Today Sports/Reuters

Nagiging popular sa NBA ngayon ang tinatawag na “load management,” o ang pagpapahinga ng mga team sa kanilang mga player upang pangalagaan ang kanilang kalusugan.

Pinasikat ang term na ito ng Toronto Raptors nang magdesisyon silang huwag paglaruin si Kawhi Leonard sa back-to-back games sa nakaraang season para iwasang ma-injure ang star player.

Ang logic sa likod ng load management ay bawasan ang mga laro ng isang player sa regular season para mapanatili ang lakas nito sa playoffs.

Naging epektibo ang strategy na ito ng Raptors dahil nakapaglaro si Leonard sa kabuuan ng 2019 playoffs at nakuha ng Toronto ang kauna-unahan nitong kampeonato.

Matatandaang bago lumipat sa Canada si Leonard, na-miss nito ang karamihan ng 2017-18 season dahil sa injury.

Ngayon at nasa Los Angeles Clippers na siya, nauungkat muli ang load management dahil nagpasya rin ang Clippers na pagbawalan si Leonard lumaro sa mga back-to-back.

Ang kaso, sa huli nilang laban kontra Milwaukee, nationally televised ito dahil marquee matchup sana ito sa pagitan ni Leonard at Giannis Antetokounmpo.

Maraming fans ngayon ang umaalma dahil ipinagkait umano sila ng pagkakataong makita ang dalawang superstar na makapaglaro.

Walang dudang pinapahalagahan ng mga player ngayon ang pagpapahinga, bagay naman na tinataasan ng kilay ng mga tinaguriang old-school player.

Tulad na lang ng reaksiyon ni Michael Jordan sa konsepto ng load management. Aniya, binabayaran ang mga player na maglaro ng 82 games.

May punto ang magkabilang panig — sa mga fans, paano nga naman sila gaganahang bumili ng ticket kung ang mga star player ay may option na mag-miss ng mga laro ng walang obvious na injury?

Sa tingin naman ng mga player, kung di nila aalagaan ang kanilang katawan, paano nila mabibigyan ng titulo ang kanilang koponan at ang kanilang mga fan?

Sa inyong opinyon, nakasasama ba o nakabubuti ang load management sa NBA?

Para sa iba pang balitang pampalakasan, bisitahin ang ABS-CBN Sports website.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.