FIBA World Cup: Dapat ipanalo ng Pinas ang 2 laro sa MoA Arena — Guiao

ABS-CBN News

Posted at Nov 08 2018 11:53 PM

Layunin ni coach Yeng Guiao ang maipanalo ang dalawang laro ng Pilipinas sa Mall of Asia Arena sa Nobyembre 30 at Disyembre 3. File/Kuha ng FIBA.com

Para kay head coach Yeng Guiao, mahalagang walisin ng Pilipinas ang dalawang laro nito sa Mall of Asia Arena sa pagpapatuloy ng 2019 FIBA World Cup qualifiers.

Susunod na kakalabanin ng mga Pinoy ang Kazakhstan sa Nobyembre 30 at sa Disyembre 3 naman, makakaharap ng tropa ni Guiao ang Iran, ang naghaharing bansa sa Asian basketball.

Di pwedeng sayangin ng Pilipinas ang home-court advantage nito, lalo na't ang dalawang huling laro nito sa second round qualifying ay gaganapin sa ibang bansa.

Ngayon at nasa kanilang sariling bakod sina Guiao, pagkakataon na nilang makasungkit ng mga kritikal na panalong maaaring tumulak sa kanila tungo sa FIBA World Cup sa susunod na taon sa China.

"Ang importante naman dito is manalo tayo sa Kazakhstan at sa Iran. 'Yun lang muna kasi I think 'pag nangyari 'yun, malaki na chance natin sa World Cup, which is the ultimate objective anyway," pahayag ni Guiao.

 

Kinokonsidera nang "best team ever" ang bersiyon na ito ng national team sa dami ng mahuhusay na matatangkad na player nito at pati na rin sa kalidad ng mga guwardiya at wingmen. 

Tingin ni Guiao, sa mata tuloy ng madla, walang silang dahilan para matalo.

"On paper, it looks like that (best Philippine team ever) but on paper is always different sa actual, so nadadagdagan 'yung pressure sa akin 'pag ganoon," aniya. 

"Though sabi ko nga, nandiyan naman parati 'yan (pressure), but we'll try to whip it into the best team that people expect it to be." 

Para sa iba pang balitang pampalakasan, bisitahin ang ABS-CBN Sports website.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.