NBA: Kalbaryo ng GSW — Makakabangon ba muli, o katapusan na ng dynasty?

ABS-CBN News

Posted at Nov 01 2019 06:26 PM

Aminado si Warriors head coach Steve Kerr na nasa "tough spot" ang kaniyang koponan matapos madagdag sa injury list si Steph Curry. Kyle Terada, USA Today Sports/Reuters

Pagpasok ng 2019-2020 NBA season, managed ang expectation ng mga eksperto sa Golden State Warriors.

Matapos lumipat si Kevin Durant sa Brooklyn at dahil kailangang magrekober ni Klay Thompson mula sa ACL injury, may tsansa pa rin namang pumasok sa playoffs ang Warriors, paliwanag ng mga analyst, lalo na kung ilabas uli ni Steph Curry ang MVP-caliber na laro nito.

Ngunit naglahong parang bula ang anumang natitirang pag-asa ng GSW fans matapos mabali ang kamay ni Curry nang di sinasadyang mahigaan ito ni Suns center Aaron Baynes sa laro nila Miyerkoles. 

Wala pang balita kung gaano katagal mawawala si Curry, ngunit ayon kay ESPN NBA insider Adrian Wojnarowski "multiple months" ang maaaring ma-miss ng 2-time MVP.

“It’s been a tough start for us on many levels,” ani Warriors coach Steve Kerr, “and obviously this puts us in a tough spot.”

Bago pa ma-injure si premyadong shooter, di na magaganda ang resulta ng laro ng Golden State. Isa lang ang panalo nila sa 4 na laro, at lahat ng kanilang talo tambak.

Kontra Suns, lumobo sa 30 puntos ang abante ng Phoenix kahit nasa loob pa ng court si Curry.

Kung isasama si Kevon Looney (hamstring), 4 sa first 5 ng Golden State nitong katatapos lang na 2019 NBA Finals ang out of commission, at tanging si Draymond Green na lang ang walang major injury.

Nakakapanibago talaga sa mga fans na nasaksihan ang kalakasan nitong Golden State sa nakaraang limang taon ang kanilang biglaang pagbagsak, sa mga dahilang di naman nila kontrol.

Sa mga sports talk show sa US, may mga nagsasabing idaan na lang ng Golden State sa "tanking" ang kanilang kampanya, tutal wala naman silang insentibong manalo pa, lalo na't ubod ng lakas ang Western Conference.

Ngunit ayon sa Warriors team management, di sumagi sa isip nilang ilaglag ang kasalukuyang season. 

May punto rin naman ang ilang komentaristang nagsasabing pwedeng i-pattern ng GSW ang nangyari sa San Antonio Spurs noong 1996.

Matapos ma-injure si David Robinson sa taong iyon, nagresulta ito sa franchise worst record. Kaya sa 1997 draft, nakuha ng Spurs ang No. 1 pick, na ginamit nila para makuha si Tim Duncan.

Anuman ang balak ng Golden State management, isa lang ang sigurado — di nila mamadaliin ang pagbabalik ni Curry, tulad ng plano nila kay Thompson. 

Maliban kay Green, wala nang may championship experience pa sa natitirang player sa Warriors lineup.

Sa pangunguna ni D'Angelo Russell, na nabingwit nila sa isang trade sa pagitan ng Brooklyn Nets, puro bata ang tauhan ni Kerr.

Bago di lang sa GSW fans kundi sa pangkabuuang sumusubaybay sa 3-time champion ang ganitong posisyon ng Warriors.

Ano sa tingin niyo — mauulit pa kaya ng Golden State ang title-winning ways nila sa pagbalik nina Curry at Thompson, o ito na nga ba ang umpisa ng katapusan ng isa sa mga dominant dynasties ng liga?

Para sa iba pang balitang pampalakasan, bisitahin ang ABS-CBN Sports website

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.