Mga manlalaro ng PVL, nanguna sa pagtuturo sa 'Heroes Camp'

ABS-CBN News

Posted at Oct 31 2018 12:42 PM

Nanguna si Kathy Bersola at Nicole Tiamzon sa Heroes Camp na ginanap sa Cainta, Rizal.

MAYNILA – Tumulong ang mga manlalaro ng Premier Volleyball League (PVL) na sina Nicole Tiamzon at Kathy Bersola sa pag-abot sa pangarap ng halos 40 na kabataang lumahok sa unang bahagi ng "Heroes Camp Year 3" ng ABS-CBN S+A noong nakaraang Sabado.

Tinuruan ng pares mula sa BanKo Perlas Spikers ang mga bata sa tamang galaw sa volleyball, at saka nag-iwan ng mga paalala at payo sa naturang volleyball clinic na ginanap sa San Andres Gymnasium sa Cainta, Rizal.

Taga-Rizal din is Tiamzon, kung saan siya unang nakilala sa paglalaro ng volleyball hanggang makuha ng UP Lady Maroons para maging manlalaro sa UAAP.

Pinaalalahan niya ang mga nakababatang kababayan na kailangan nila pagtrabahuhan nang maigi ang kanilang mga pangarap, tulad ng kanyang ginagawa hanggang sa ngayon.

"Importanteng tandaan, bilang manlalaro at tao: huwag tumigil matuto, huwag huminto sa pagpraktis, at huwag na huwag susuko. Tulad niyo, nagsimula din ako na hindi ganoon kagaling. May dagdag na ensayo pa kami pagkatapos ng ensayo kasama yung mga kakampi namin para gumaling talaga kami," ani Tiamzon.

Naniniwala naman si ABS-CBN Integrated Sports head Dino Laurena, na dumalo sa naturang clinic, na magsisilbing inspirasyon sa kabataan sina Tiamzon at Bersola na maging responsable at disiplinadong mamamayan bukod sa pag-abot sa kanilang matatayog na pangarap.

"Isang magandang oportunidad para sa amin itong Heroes Camp, hindi lamang sa pag-discover ng talento, pero para maging tulong na din sa kabataan na makaiwas sa masasamang bisyo," sabi niya.

"Malay natin, baka pagdating ng panahon, eh sila naman ang makilala sa buong bansa bilang mahuhusay na manlalaro ng volleyball tulad ng kanilang mga idolo ngayon."

Sa pakikipagsanib-pwersa sa ABS-CBN Lingkod Kapamilya Foundation, Inc., nagsimula ang "Heroes Camp" noong 2016 bilang serye ng mga basketball clinic kasama si coach Koy Banal na naglalayong magturo ng kaalaman sa basketball, pati na ang tamang asal, sa loob at labas ng court.

Noong nakaraang taon, nakipagtulungan naman ang ABS-CBN S+A sa Heroes Volleyball Program (HVP) kung saan halos 200 na kabataan ang nagkaroon ng pagkakataon matututo sa kanilang mga idolo at eksperto sa larangan ng volleyball.

Naroon para sa HVP sa Cainta sina UP men’s volleyball team setter Carlo Cabatingan, dating manlalaro ng national team na si Ers Iratay, UP volleyball assistant coach Kate De Lara, at Timothy Papa ng De La Salle University.

Bukod sa mga kaalaman at espeyal na panayam sa kanilang mga idolo, nag-uwi rin ang mga bata ng mga sertipiko, at libreng ice cream mula sa Creamline, na nasa likod ng Cool Smashers na siya namang katunggali ng koponan nina Tiamzon at Bersola na BanKo Perlas sa PVL Open Conference.

Gaganapin ang susunod na yugto ng "Heroes Camp Year 3" sa San Juan City sa Nobyembre 10.

For more sports coverage, visit the ABS-CBN Sports website.