PBA: Magkalaban man ngayon, todo respeto pa rin si Standhardinger kay June Mar

ABS-CBN News

Posted at Oct 25 2019 01:43 AM

Tanging respeto lamang ang mayroon si Christian Standhardinger para sa dating teammate na si June Mar Fajardo na kaniyang nakaharap nitong Miyerkoles sa 2019 PBA Governors' Cup.

Umiskor si Fajardo ng 22 points at humatak ng 14 rebounds laban sa 18 points at 5 rebounds ni Standhardinger.

Maaaring nanalo si "The Kraken" sa individual statistics, ngunit pinatumba naman ng NorthPort, sa pangunguna ni Standhardinger, ang San Miguel Beer ni Fajardo sa talang 127-119.

Nakabuslo pa ng isang kritikal na jumpshot si Standhardinger kontra Fajardo may 1 minutong nalalabi sa laro.

"June Mar is a great player, so I'm happy I was able to hit that shot over him and help our team win," ani Standhardinger sa isang panayam sa PBA.ph.  

Natuwa rin si Standhardinger na kahit papaano ay nabantayan pa rin niya ng mabuti ang dating teammate.

"Oh, my God. I thought I did a good job. I worked my butt off to stop him and he still scored 22 and had a great percentage. He's a great, great player, I have nothing but respect for him," ani ng Fil-German center.

Para kay Fajardo, di naman importante ang one-on-one matchup.

"OK lang. Hindi naman ito about kay Christian at sa akin, about San Miguel and NorthPort yan. Panalo sila, congrats sa NorthPort, bounce-back na lang kami next game," sabi ni Fajardo.

(For more sports coverage, visit the ABS-CBN Sports website.)

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.