Nangungunang babaeng siklista sa PH, nais mag-Olympics

ABS-CBN News

Posted at Oct 16 2017 08:14 PM | Updated as of Oct 17 2017 12:55 AM

Kamakailan ay lumahok ang 21 anyos na si Ariana Dormitorio sa 24 oras na endurance race sa Filinvest, Alabang kung saan may habang anim na kilometro ang ruta.

Bukod sa distansiya, hamon din sa karera ang pagsabay ng malakas na ulan—dahilan para maging maputik ang daan. 

Itinanghal si Ariana bilang kampeon matapos mapagtagumpayan ang 60 ikot sa loob ng 24 oras.

Si Ariana ang itinuturing na nangungunang babaeng cross-country mountain biker sa Pilipinas.

Nakasali na rin siya sa mga paligsahan sa ibang bansa.

Si Ariana rin ang nangunguna sa Asya at kilala bilang "Queen of the Trails."

Utang na loob sa ama

Ayon kay Ariana, utang niya ang nakamit na tagumpay sa amang si Donjie Dormitorio.

10 taong gulang pa lang nang ipasok si Ariana ng ama sa sport.

Hanggang ngayon, si Donjie pa rin ang nagsisilbing coach at gumagabay sa karera ni Ariana.

Pansamantalang tumigil si Ariana sa pag-aaral para pagtuunan ng pansin ang kaniyang pagsasanay.

Nais kasi niyang sumabak sa 2020 Tokyo Olympics.

Bukod sa pagsasanay at mga paligsahan sa Pilipinas, kailangan ni Ariana na sumali sa mga kompetisyon sa ibang bansa para opisyal na makasali sa Olympics. -- Ulat ni Dyan Castillejo, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.