'Tumaas balahibo ko': Carlos Yulo binalikan ang historic na pagkapanalo

ABS-CBN News

Posted at Oct 14 2019 06:47 PM | Updated as of Oct 14 2019 07:26 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Hindi naging biro ang pagkasungkit ng 19 anyos na si Carlos Yulo ng gold medal sa World Artistic Gymnastics Championships sa Germany. 

Nasa ika-7 puwesto si Yulo noong qualifying rounds. Pero bumawi ito pagdating ng finals sa “halos perfect” niyang routine at nakuha ang pinakamataas na score na 15.300. 

Kahit siya man ang pinakabata at pinakamaliit sa kompetisyon, nagpursige si Yulo. 

Matapos makuha ang gold medal, hindi pa rin makapaniwala si Yulo sa kaniyang nakamit. 

“Tumaas balahibo ko, nag pe-pray ako nag-thank you ako kay God,” ani Yulo sa isang panayam sa ABS-CBN News. 

"First time ko kasi mag score ng 15 plus," dagdag pa niya. 

Matapos mabigo sa ginto sa Asian Games noong 2018, bumalik sa Japan para mag-training si Yulo sa ilalim ng coach na si Munehiro Kugimiya. 

"Hindi naman ako ninerbiyos sanay na katawan ko... Iyong mindset nasa kompetition ko," pahayag ni Yulo. 

Si Yulo rin ang ikalawang atletang Pinoy na nag-qualify para sa Tokyo 2020 Olympics kung saan hangad niya ring makakuha ng ginto. 

Sobrang tuwa ni Gymnastics Association Of The Philippines president Cynthia Carreon na nagbunga ang ilang taong sakripisyo sa training ni Yulo. 

“The way I prayed amazing Caloy (Yulo) also prayed we were praying and declaring. I was praying to his guardian angel to carry him,” pahayag ni Carreon. 

Pansamantalang babalik sa Pilipinas si Yulo bago bumalik sa training para sa Southeast Asian Games, na gaganapin mula Nobyembre 30. --Ulat ni Dyan Castillejo, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.