PatrolPH

‘Sana magkaayos na’: Z4pnu may mensahe sa fans matapos ang ‘mainit’ na MPL 8 finale

Angela Coloma, ABS-CBN News

Posted at Oct 13 2021 12:52 AM | Updated as of Oct 13 2021 12:59 AM

Z4pnu
Billy "Z4pnu" Alfonso. Screenshot mula sa vlog ni Z4pnu. 

MAYNILA—Nagkainitan ang fans at viewers ng Mobile Legends: Bang Bang Professional League dahil sa kinalabasan ng serye ng laro sa huling weekend ng regular season. 

Kaysa mag-away lalo, sinabi ni Smart Omega veteran player Billy "Z4pnu" Alfonso na mas mabuting magkaayos na ang fans ng laro. 

"Sana bago magbakasyon magkaayos-ayos na ang fans na maiinit. Sana magkaayos na tayo. Pagandahin na ang community ng ML, kasi sobrang gulo na. Sa Bren Esports, NXP (Nexplay), Blacklist, at siyempre Omega, may fans na malalaki kaya kailangan natin mapag-isa para bumuti ang ML community natin," ani Z4pnu sa isang vlog na inilabas noong Lunes.

Matatandaang bukod sa umano'y pagtatapon ng laban ng Nexplay EVOS at Smart Omega, nadismaya naman ang ilang miyembro ng Mobile Legends community, maging ang kapitan ng Blacklist International na si Johnmar "OhMyV33nus" Villaluna, sa umano'y "no ban" strat na ginawa ng Bren Esports sa huli nilang bakbakan. 

Nagkainitan din sa pagsampa ng multa at suspension kontra sa gold laner na si Kiel "OHEB" Soriano matapos mag-dirty finger sa laban kontra Smart Omega. 

Matatandaang noong Linggo, pinuna ang tila pagiging "showmatch" ng labanang Smart Omega at Nexplay EVOS sa anila'y hindi pag-e-effort umano sa Games 1 at Game nito. Nakatanggap na ng multang aabot ng P150,000 ang bawat koponan sa liga dahil dito.

Pero ayon kay Z4pnu, nag-effort ang kanilang koponan sa laban, partikular na noong Game 1. 

"About sa nangyari kahapon (Linggo). Kitang-kita niyo na ang ganda ng performance namin noong Game 1. Excited pa ako noon may coaching-coaching pa kami. Sobrang ganda ng ano natin draft, tapos nagtaka kami ba’t ganoon ang nangyari. Pati ’yung flame shot meta ngayon ang layo noon, p’re. Kapag nagju-jungle kailangan ng (retribution). Meron kaming strat strat kahit sinong kalaban namin," aniya. 

Magpapahinga na muna ang mga manlalaro bago ang playoffs ng MPL na inaasahang gaganapin din ngayong Oktubre. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.