PBA: Matapos ang kontrobersiya sa 2017 draft, No. 1 pick di na puwedeng i-trade

ABS-CBN News

Posted at Oct 12 2018 09:57 PM

Kinompirma ni PBA commissioner Willie Marcial na di na maaaring itrade ang No. 1 pick sa rookie draft, isang taon matapos ang kontrobersiyal na transaksiyon sa pagitan ng Kia at San Miguel Beer.

Magiging epektibo ito sa 2019 rookie draft.

Unanimous umanong inaprubahan ng board of team governors ng liga ang desisyon, ayon sa artikulong ipinost sa PBA.ph.

Matatandaang itrinade ng Kia, kilala ngayon sa pangalang Columbian Dyip, ang draft rights nito sa No. 1 pick tungo sa San Miguel.

May pinakamasamang record ang Kia sa taong iyon habang nakapag-uwi ng dalawang kampeonato ang San Miguel ngunit, matapos ang trade, nakuha pa rin ng Beermen si Christian Standhardinger.

Sa itinatakbo ng kasalukuyan nilang kampanya, maaaring mapunta muli sa Columbian Dyip ang No. 1 pick. 

Kompiyansa naman si Marcial na di na uulitin ng Columbian o sinumang team na may worst record ang ganoong transaksiyon.

"Lahat naman ng trade, kailangang dumaan sa committee," ani Marcial. "Basta dumaan sa committee, tiwala naman tayo na patas 'yun."

For more sports coverage, visit the ABS-CBN Sports website.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.