Surfers mula sa iba't ibang bansa, lumahok sa Siargao Cup

Lorilly Charmane D. Awitan, ABS-CBN News

Posted at Oct 06 2019 10:14 AM

Nagsimula na ang 25th Siargao International Surfing Cup. Lorilly Charmane D. Awitan, ABS-CBN News

SIARGAO ISLAND – Nagtipon ang 65 surfers mula sa iba't ibang bansa sa Cloud 9 Surfing site Barangay Catangnan, General Luna sa bayang ito upang lumahok sa 25th Siargao International Surfing Cup.

Nanggaling ang mga surfers sa Estados Unidos, Australia, New Zealand, Indonesia, Argentina, Costa Rica at iba pa.

Ayon sa tour director ng World Surf League na si Will Hayden-Smith, kahit bumaba sa QS1500 ang event ay marami pa rin ang lumahok na mga surfers.

Inaasahan na sa susunod na taon ay babalik sa QS3000 ang event na dadaluhan ng mahigit sa 100 nga surfers.

"The reason for the downgrade is -- and it's not just in the Philippines -- it's a pretty tough time economically for a lot of countries. Sponsorship right now is really difficult," ani Hayden-Smith.

Ang surfing bilang water sport ay nakatanggap ng maraming pagkilala lalo na't magiging kabilang na ito sa 2020 Olympics sa Tokyo, Japan.

Umaasa ang provincial government na ang mga surfers na lumahok sa Siargao International Surfing Cup makikita din sa Olympics surfing competition.

Aabot sa $15,000 ang premyo sa kumpetisyon.

Samantala, nagbigay din ng tribute ang lokal na pamahalaan ng Surigao del norte at mga surfers sa "Father of Surfing" na si dating Mayor Jaime Rusillon. Namatay si Rusillon noong Abril nitong taon.

Pormal na binuksan ang Surfing Cup kahapon ng hapon, at magtatapos ito sa Oktubre 9.

Para sa iba pang balitang pampalakasan, pumunta sa website ng ABS-CBN Sports.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.