NBA: LeBron James muling nanguna sa bentahan ng jersey

ABS-CBN News

Posted at Oct 01 2020 04:59 PM

Los Angeles Lakers forward LeBron James (23) celebrates after a play during the third quarter against the Houston Rockets in game one of the second round of the 2020 NBA Playoffs at AdventHealth Arena. Kim Klement-USA TODAY Sports/REUTERS

Sa kabila ng pagkakakulong sa COVID-19 quarantine bubble, nananatiling pinakapopular na manlalaro si LeBron James pagdating sa bentahan ng jersey at sa social media, ayon sa National Basketball Association nitong Miyerkoles.

Sa paghahanda ng Lakers sa kanilang harapan ng Miami Heat para sa Game 1 ng NBA Finals sa Orlando bubble kung saan naka-quarantine ang mga atleta ng halos dalawang buwan na, inanunsyo ng liga na si James pa rin ang nangunguna sa bentahan ng basketball jersey kasunod si Dallas Maverick point guard Luka Doncic.

Kabilang sa top 5 ng may pinakamabentang jersey sina Anthony Davis ng Lakers, Jayson Tatum ng Boston Celtics, at two-time MVP na si Giannis Antetokounmpo ng Milwaukee Bucks.

Nanguna rin ang koponan ng Lakers sa may pinakamaraming nabentang merchandise matapos ang COVID-19 restart mula Hulyo 30 hanggang Setyembre 28, ayon sa NBAStore.com.

Makikita rin ang impluwensya ni James pagdating sa social media matapos madagdagan ng higit 4.1 million followers sa Instagram at Twitter matapos ang restart.

Sinundan si James ng baguhang manlalaro ng Heat na si Tyler Herro na nadagdagan ng 790,000 followers sa kaniyang social media accounts.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.