12-anyos na wushu athlete patay matapos mahulog sa kama

Abner Mercado, ABS-CBN News

Posted at Sep 30 2018 04:00 PM | Updated as of Oct 01 2018 12:32 PM

MANILA - (CORRECTED) Patay ang isang 12-taong-gulang na atleta ng Wushu Federation of the Philippines makaraang mahulog ito mula sa itaas ng double deck na kama sa kaniyang dormitoryo sa Philippine Sports Commission (PSC) compound sa Malate, Maynila. 

Sa inisyal na impormasyong nakalap ng ABS-CBN News, alas-3 Sabado ng umaga nahulog si Rastafari Daraliay habang natutulog sa second deck ng hinihigaan nito.

Nang tanungin ng mga kasamang atleta kung maayos lang ang pakiramdam niya, sinabi ni Daraliay na ayos naman siya, at muling natulog ang bata. 

Kinabukasan, wala nang malay ang bata at hindi na rin ito magising kaya itinakbo na siya sa ospital. Dito idineklarang dead on arrival ang bata. 

Sa Santuario de San Vicente de Paul sa Tandang Sora nakaburol si Daraliay. 

Ayon sa ama nitong si Vincent, hindi pa sila handang magbigay ng pahayag sa media at sa Martes pa raw sila posibleng makapagsalita ukol sa pagkamatay ng bata.

Sinabi naman ni PSC chairman Butch Ramirez na inatasan na niya ang Wushu Federation at mga ospital at operation manager ng sports commission na magsumite ng ulat ukol sa pagkamatay ni Daraliay. 

"PSC is ready to support the wushu athlete and parents. [This is a] very sad story of a young athlete who [has a] great dream for himself and his country," dagdag niya sa text message sa ABS-CBN News. 

Para sa iba pang balitang pampalakasan, pumunta sa website ng ABS-CBN Sports.

EDITOR'S NOTE: Sa naunang bersiyon ng balitang ito, sinabi na bumula ang bibig ni Daraliay sa gitna ng training Linggo ng umaga, kaya itinakbo ito sa ospital kung saan siya idineklarang dead on arrival.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.