Pinoy viral sa paggaya ng dunk nina LeBron, Jordan

ABS-CBN News

Posted at Sep 23 2021 10:16 PM

Kuha mula sa Instagram ni Jay Carlo Davalan Damolo
Kuha mula sa Instagram ni Jay Carlo Davalan Damolo

Hindi maikakaila ang matinding pagkahumaling ng maraming Pilipino sa larong basketball na pinapatunayan ng mga atletang umuukit ng pangalan sa sports sa iba’t ibang panig ng mundo.

Isa sa mga pinag-uusapan ngayon sa social media ang mga video ng panggagaya ng 5’6 na Pinoy na si Jay Carlo Davalan Damolo sa mga sikat na dunks na nagawa sa kasaysayan ng NBA. 

Ang mahusay nitong pagkopya sa mga nasabing highlight plays ng NBA ang naging dahilan upang mailabas ang kaniyang videos sa Facebook page na “House of Bounce”, isang account tungkol sa mundo ng basketball. 

Tila ginawa nitong NBA court ang bakanteng lote sa kanilang lugar, na hindi na bago sa Pilipinas, upang maipakita ang husay sa pag-dunk. 

 

Umani na ng higit 12,000 shares at 70,000 reactions ang nasabing compilations ni Damolo, halos dalawang araw simula nang i-upload ito. 

Sa nasabing post, unang mapapanood ang paggaya ni Damolo, o mas kilala bilang Kaloy, kay Vince Carter nang talunan nito si Frederic Weiss ng France sa 2000 Sydney Olympics.

Watch more on iWantTFC

Nagawa rin nitong gayahin ang isa sa mga iconic dunk ng NBA legend na si Michael Jordan katapat si Patrick Ewing noong 1991 sa NBA Playoffs sa pagitan ng Chicago Bulls at New York Knicks. 

Tampok din sa video ang dunk ni LeBron James na nagpahiya kay Jason Terry sa mismong homecourt ng Boston Celtics noong 2013. 

Watch more on iWantTFC

Hindi rin nawala ang pagkopya ni Damolo ang tomahawk ni Blake Griffin kontra kay Timofey Mozgov noong 2010. 

Watch more on iWantTFC

Nagaya din nito ang ginawa ni Dwyane Wade na poster dunk kay Kendrick Perkins at tomahawk ni Paul George kay Chris Andersen sa 2013 NBA playoffs. 

Watch more on iWantTFC

Puri ng “House of Bounce”, kuhang-kuha ng Pinoy basketball player ang mga nasabing dunk na patunay umano na hindi kailangan ng magandang court upang makapagpasaya at makapaglaro ng basketball.