Batang Pinoy silver medalist nabulag ang kaliwang mata matapos tamaan sa laban

Michelle Soriano, ABS-CBN News

Posted at Sep 22 2018 02:04 PM | Updated as of Sep 22 2018 11:40 PM

BAGUIO CITY – Nabulag ang kaliwang mata ng isang 2018 Batang Pinoy silver medalist sa kasagsagan ng karate competition sa Baguio City, kung saan tinamaan umano ito sa kaniyang huling laban.

Sa Baguio General Hospital na iginawad ang silver medal kay Anbert Waminal, isang Batang Pinoy atleta mula sa Negros Oriental.

Napuruhan umano ang kaliwang mata ng bata sa kaniyang huling laban.

“Nasalo ko kasi 'yung kamao ng kalaban ko at masyado itong malakas,” sabi ni Waminal.

Ayon sa doktor na sumuri kay Waminal, Grade 2 nang una nang matamaan ng basag na bote ang kaniyang mata.

“So medyo lumaki na 'yung mata kaya nag-render na medyo weak na 'yung walls ng kaniyang globe. 'Yun ang dahilan kaya nung natamaan noong karate competition, nag-rupture na 'yung kaniyang mata,” paliwanag ni Dr. Lorenzo Fernandez.

Sa kabila nito, nananatiling masayahin si Waminal at pursigido pa ring sumabak sa mga kompetisyon

“Itutuloy ko pa rin kahit anong nangyari sa akin kasi balang araw gusto kong [maging] isang magaling na karate player sa bansa,” sabi ng atleta.

Sa larong karate sa Batang Pinoy, walang gear sa ulo ang mga manlalaro.

Naniniwala naman maging ang coach ni Waminal na aksidente ang nangyari.

“Aksidente talaga, kasi nagfa-fight sila, then almost nagsabay 'yung pagpa-punch nila then 'yun tinamaan 'yung mata niya,” sabi ni Franklin Santander. 

Ayon naman kay Celia Kiram, isa sa mga commissioner ng Philippine Sports Commission, magbibigay sila ng P50,000 para sa pagpapagamot ni Waminal.

Sinagot naman ng pamahalaang lungsod ng Baguio ang hospital bills niya sa lungsod.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.