Bonus ng mga 2018 Asian Games gold medalist, umakyat na sa tig-P8 milyon

ABS-CBN News

Posted at Sep 12 2018 10:27 PM

Kasama sina Lois Kaye Go, Bianca Pagdanganan, Yuka Saso at Hidilyn Diaz sa mga makakakuha ng dagdag na bonus. Jonathan Cellona, ABS-CBN News

Bukod sa pinaglikom na P6 milyon kada gintong medalya, makatatanggap pa ng dagdag na P2 milyong bonus ang mga 2018 Asian Games gold medalist mula sa Malacañang.

Kasama ito sa mga incentive na ipinangako ni Pangulong Rodrigo Duterte sa mga medal winner na binigyang pugay sa Palasyo Miyerkoles ng hapon.

Bagamat hindi inanunsyo ni Pangulong Duterte kung magkano ang dagdag na bonus, ipinaabot naman sa media ni Special Assistant to the President Christopher “Bong” Go na nakatakdang tumanggap ng dagdag na P2 milyon sina Asian Games weightlifter Hidilyn Diaz, skateboarder Margielyn Didal, at mga golfer na sina Yuka Saso, Bianca Pagdanganan at Lois Go.

Ang bonus na iyon ay paghahatian ng Philippine Sports Commission at Office of the President (OP). 

Ito ay bukod pa sa P6 milyon na incentive kada ginto na ipinangako ng PSC (P2 million), Philippine Olympic Committee (P2 million), Siklab Atleta Pilipinas Sports Foundation (P1 million) at ni Philippine ambassador to Indonesia Cesar Lee Hiong Wee (P1 million).

Maging ang mga silver at bronze medalist ay makatatanggap ng dagdag na gantimpala mula sa PSC at OP, ani Go.

Makakatanggap ng dagdag na P1 milyon na bonus (P500,000 sa PSC at P500,000 sa OP) ang mga silver medalist, at P400,000 na incentive naman (P200,000 sa PSC at P200,000 sa OP) ang mga bronze medalist.

Para naman sa mga team sports, paghahatihatiin nila ang anumang dagdag na bonus.

For more sports coverage, visit the ABS-CBN Sports website.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.