PatrolPH

'Ibalik ang healthy rivalry': Bon Chan may panawagan matapos ang laban vs. Omega Esports

ABS-CBN News

Posted at Sep 05 2021 12:42 PM

MAYNILA - Mainit ang naging labanan ng Blacklist International at ang bagong-bihis na Smart Omega na ngayo'y binabandera na ng dating koponan ng Execration. 

Ito ang una nilang paghaharap matapos ang MSC 2021 - kung saan nanaig ang Execration sa iskor na 4-1, at ang una nilang paghaharap simula nang lumipat ang "Exe boys" sa Smart Omega. 

Ito rin ang huli nilang paghaharap matapos masuspinde si Grant "Kelra" Duane Pillas dahil sa mga salitang binitawan kontra kina Blacklist captain Johnmar “OhMyV33nus” Villaluna at jungler Danerie James “Wise” Del Rosario sa isang livestream - na siyang dahilan para hindi makalaro sa pinakahihintay na bakbakan. 

Para kay head coach Bon "Bon Chan" Ricaplaza, mas mainam sa ngayon na "mag-move on na" sa mga isyu, bagama't hindi klaro kung ano ang tinutukoy niya rito. 

"Sabihin nating maganda yung nabuong rivalry eh, ah siguro mag-move on na tayo sa dumaang isyu," ani Bon Chan sa isang post-match interview. 

"Ibalik natin yung healthy rivalry kung saan mga fans nagkaka-isa. Hindi naman kami 'yung panalo dito eh - ang mas panalo yung mga nanood." 

Maaalalang humingi umano ng paumanhin si Kelra kina OhMyV33nus at Wise matapos ang insidente. Sumagot na rin si OhMyV33nus sa isyu at nagpaalala ukol sa pagbibitaw ng mga masasamang salita. 

Naniniwala si Bon Chan na malaki ang inilakas ng naging kalaban, na nagdagdag ng ilang player sa kanilang roster pool, kasabay ng bagong franchise-based set-up. 

"Exciting eh. Enjoy talaga sila kalaro. Ang iniisip ko kanina parang showmatch kasi di sila kumpleto pero intense. Sila pa rin ang dating sila," ani Bon Chan. 

KAUGNAY NA VIDEO MULA SA ARCHIVES

Watch more on iWantTFC
Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.