Margielyn Didal, target ang ginto sa 2020 Olympics sa Tokyo

ABS-CBN News

Posted at Sep 04 2018 11:10 PM

Watch more in iWantTFC

Mainit na sinalubong si Asian Games gold medallist Margielyn Didal ng kaniyang mga kababayan sa Cebu pagkadating pa lang niya sa Mactan International Airport. 

Mula Maynila, lumipad pa-Cebu si Didal nitong Martes ng umaga para umuwi na sa kaniyang pamilya. 

Matapos ang torneyo, sunod na target naman ni Margielyn ang ginto sa 2020 Olympics para tuluyang mapakilala ang laro sa bansa.

Sa Tokyo 2020 rin unang kikilalanin ang skateboarding bilang Olympic sport. 

Positibong si Philippine Skateboarding Association president Monty Mondegoria na makakamit ni Didal ang ginto. 

"Iba ang mga galaw talaga ni Margie (Didal)," ani Mondegoria. 

MGA PAGSUBOK 

Kuwento ni Margielyn, kumukupit siya ng P50 sa kanilang tindahan para lang makarenta ng skateboard noong siya’y 12 taon gulang. 

Aniya, pagse-skateboard ang naging daan para kalimutan ang mga problema sa bahay. 

“Nanunood lang ako nakaupo nag-aantay lang hanggang makahiram ng board hanggang sa nagkaroon ako ng sariling board,” kuwento niya. 

Ngayong 19 anyos na ang Cebuana skateboarder, hindi inakala ng magulang niya na ganoon kalayo ang makakamit ng kanilang anak. 

Nasa P6 milyon na premyo ang nag-aantay kay Didal, na gagamitin raw ng pamilya sa pagtatayo ng negosyo.

Hinahangad din ni Didal na mapatayo ang ipinangakong skate park sa lungsod ng Cebu. 

-- Ulat ni Dyan Castillejo, ABS-CBN News