Pilipinas lalaban sa ikalimang puwesto sa Asian Games basketball

ABS-CBN News

Posted at Aug 27 2018 09:18 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Bigo ang koponan ng Pilipinas na manalo kontra sa South Korea, 91-82, sa Asian Games 2018 nitong Lunes. Lalaban ang koponan para sa ikalimang puwesto. 

Sa first quarter ay nanguna ng apat ng puntos ang Korea, 22-18. 

Sa kalagitnaan ng second quarter ay umabot sa 10 puntos ang lamang ng Korea ngunit nakabawi ang Pilipinas at nanguna ng dalawang puntos, 42-44.

Pagdating ng third quarter, nakagawa ng 15 puntos si Jordan Clarkson kung kaya't lumamang ang Pilipinas ng isang puntos, 64-65.

Ngunit pagdating ng huling quarter ay bumawi ang Korea at naipanalo ang laro upang makapasok sa semifinals.

"Binigay po namin ang lahat, talagang kulang pa po. Last five minutes nag-collapse tayo. Pero wala po ako masabi sa effort ng mga bata. Binigay po nila lahat," saad ni coach Yeng Guiao. 

Si Jordan Clarkson na nakagawa ng 25 puntos ang top scorer ng Pilipinas.

Ang koponan ng Pilipinas ay lalaban para sa ikalimang puwesto.

TATLONG GOLD MEDAL

Tatlong gintong medalya na ang nakuha ng Pilipinas matapos manalo ang mga Pinoy sa golf.

Nakuha ni Yuka Saso ang ginto samantalang bronze ang nasungkit ni Bianca Pagdanganan para sa individual event. Ginto rin ang koponan ng Pilipinas para sa team event. 

Nauna nang nakakuha ng ginto si Hidilyn Diaz para sa weightlifting.

— Ulat ni Dyan Castillejo, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.