Mayweather, panalo kay McGregor; nanatiling walang talo

ABS-CBN News

Posted at Aug 27 2017 05:44 PM | Updated as of Aug 27 2017 11:22 PM

Nanatiling malinis ang rekord ni Floyd Mayweather Jr. matapos tulunin ang kalabang Irish na si Conor McGregor sa pamamagitan ng technical knockout sa ika-10 round ng kanilang laro sa T-Mobile Arena in Las Vegas, Nevada, nitong Linggo, Agosto 27.

Umangat ang rekord ni Mayweather sa 50-0 na lumampas sa rekord ni heavyweight great na si Rocky Marciano, 49-0 bilang may pinakamaraming panalo at wala pang talo o draw.

Sa pagsisimula ng laban, mainit na kumawala ang two division mixed martial arts superstar na si McGregor mula sa kanyang corner.

Todo-depensa ang Amerikanong si Mayweather sa pagsalo sa mga pagpapaulang mga suntok ni McGregor.

Pero pagdating ng ikaapat na round, nagsimula nang bumagal ang Irishman kaya naging oportunidad ito kay Mayweather upang magpasiklab ng kaniyang opensa.

Magkakasunod na kombinasyon ng head at body shots ang inatake ni Mayweather hanggang sa makitaan na ng panghihina si McGregor sa mga sumunod pang round.

Pagtuntong ng ika-10 round, lumalaban pa si McGregor pero napapayakap na lang ito sa Amerikano kaya tuluyan nang nagpasya ang referee na itigil ang laban at idineklara si Mayweather na panalo via technical knock out.

Nasa $1,350 ang ticket sa labang Mayweather-McGregor habang $15,000 naman para sa ringside tickets.

Dahil sa mahal ang ticket sa laban, mas ginusto na lang ng karamihan sa mga Pinoy sa Las Vegas ang manood na lang ng pay-per-view.

Nakisigaw din ang mga Pinoy sa kasagsagan ng bakbakan.

Ayon sa isang Pinoy fight fan na si Sharon San Gaspar, "Advantage talaga si Mayweather, first off real boxer siya. Si McGregor is not used to this kind of fight. Plus 'yung stamina ni Mayweather makikita mo talaga na experienced unlike kay McGregor, pang MMA fight talaga siya."

Sinabi rin ni Mayweather na tototohanin na niya ang pagreretiro sa boxing.

Para sa iba pang balitang pampalakasan, bisitahin ang ABS-CBN Sports website.

--Ulat ni Bev Llorente, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.