Libo libo nagboluntayong makiisa sa SEA Games hosting

Trishia Mostoles, ABS-CBN News

Posted at Aug 24 2019 12:17 AM

Umabot ng mahigit 20,000 ang nagpaabot ng interes na sumali sa volunteers program ng SEA Games, sa online man o aktuwal na application. Trishia Mostoles, ABS-CBN News

Daan-daang mga estudyante mula sa iba’t ibang mga institusyon sa bansa ang nagdagsaan sa convention center sa Clark Freeport area nitong Biyernes, para makiisa sa paglunsad ng Subic-Clark cluster volunteers program para sa Southeast Asian Games ngayong taon.

Ilan lang sila sa mga tutulong para sa 56 sports sa SEA Games na magaganap sa bansa simula Nobyembre 30.

Ayon sa deputy director ng volunteers program na si Chris Tiu, umabot ng mahigit 20,000 ang nagpaabot ng interes na sumali sa volunteers program, sa online man o aktuwal na application.

“Nahirapan na nga kaming mag-trim down kasi napakaraming volunteers. Of course we can’t accommodate everybody, but we will try to include them,” aniya.

Apat na pu’t apat na competition venues ang gagamitin sa Maynila, Subic at New Clark City, kaya mangangailangan sila ng tulong mula sa mga volunteer.

Sa kabuuan, nangangailangan ng 9,000 volunteer ang Philippine SEA Games Organizing Committee (Phisgoc) para umasiste sa iba’t ibang event.

Ilan lang sa mga magiging trabaho ng mga volunteer ang accreditation, games services, medical at spectator services.

Ang first-year aeronautics college student na si Alvin Charles, hindi nagdalawang isip na makiisa sa once-in-a-lifetime experience na ito.

“We took the chance and the opportunity to take it, because we also want to represent our nation,” aniya.

Isa naman si Chloe Choi sa mahigit 2,000 foreign applicants sa volunteers program.

“Even though I’m not a native Filipino, I think it’d be a great experience to be volunteer,” aniya.

Simula Sabado, mag-uumpisa ang 2-day training ng mga volunteers bago pa man sila i-assign sa bawat departamento.

For more sports coverage, visit the ABS-CBN Sports website.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.