Atleta lang! Hidilyn Diaz, naglabas ng saloobin sa social media

ABS-CBN News

Posted at Aug 24 2018 11:18 AM | Updated as of Aug 24 2018 11:36 AM

MAYNILA - Idinaan ni Hidilyn Diaz sa social media ang tila pagkadismaya sa trato ng iba sa tulad niyang atleta.

Sa kaniyang Twitter page, sinabi ni Diaz na sobra siyang nasaktan sa tingin ng mga taong nasa mataas na posisyon pa sa Philippine Sports sa pagiging isang atleta.

"Atleta lang! Yan parati nasa akin isipan. Pabalik-balik at ako'y sobrang nasaktan," sabi ni Diaz.

Ayon kay Diaz, ang kaniyang tweet ay ang naramdaman niya ilang araw bago ang Asian Games 2018.

"Ako'y isang atleta buong buhay ibinibigay sa sports na aking mahal na mahal," ani Diaz.

Sinabi ni Diaz sa kaniyang tweet na nagawa niyang makapag-aral, makapagtrabaho at maging kinatawan ng Pilipinas dahil sa pagiging "atleta lang".

"Ako'y isang atleta lamang pero eto nagpapadefine sino ako ngayon at proud ako ipresenta ang Pilipinas."

"Salamat sa Diyos ko at ginawa mo ako isang atleta ng Pilipinas."

Naipanalo ni Diaz ang unang ginto para sa Pilipinas sa Asian Games sa larangan ng weightlifting.

Pero hindi ito ang unang beses na naglabas ng saloobin ang atletang tubong Zamboanga City sa kakulangan ng suportang natatanggap mula sa Philippine Sports Commission (PSC) at Philippine Olympics Committee (POC).

Sa panayam ng ABS-CBN News, binanggit ni Diaz ang sobrang "pressure" na naramdaman niya na maging ang pagkatao niya at tiwala sa sarili ay nawala umano.

Matapos makakamit ng ginto sa Asian Games 2018, nakatutok naman ngayon si Diaz para sa 2020 Tokyo Olympics kung saan nangako siyang gagawin ang lahat.

Umaasa si Diaz na mapagbibigyan siya ng PSC at POC sa hiling na madala ang kaniyang team sa laban sa Tokyo.

Ang naturang team ay kinabibilangan ng coach, nutritionist, sports psychologist, strength and conditioning trainer at physical therapist.

“Hopefully sa Tokyo 2020, maisama sila, kasi kailangan na kailangan ko sila. Sa lahat ng mga laro ko, kailangan na kailangan ko sila, lalo na ‘yung sports psychologist and strength and conditioning (coach) ko.”

“'Yun ang kailangan ng elite athlete kung gusto nila manalo ng gold medal sa Tokyo 2020,” sabi pa niya.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.