Tokyo 2020 Olympics medalists, bibigyan ng Senate medal of excellence

Robert Mano, ABS-CBN News

Posted at Aug 23 2021 10:37 PM

MAYNILA - Bibigyang parangal ng Senado sa Miyerkoles ang mga atleta ng bansa na nagkamit ng medalya sa ginanap na Olympic Games sa Tokyo, Japan.

Ayon kay Senate Majority Leader Juan Miguel Zubiri, pupunta sa Senado sina Hidilyn Diaz, Nesthy Petecio, Carlo Paalam at Eumir Marcial.

Igagawad sa kanila ang Senate Medal of Excellence na bagong parangal na inaprubahan ng Senado na igagawad sa mga Pilipino na gumawa ng exemplary service, may outstanding achievements at malaking kontribusyon sa nation-building at kabilang dito ang mga Olympic medalists.

Bibigyan din sila ng mga senador ng cash reward: P1 milyon ang ibibigay kay Diaz na nakakuha ng gold medal, P500,000 kina Petecio at Paalam na nakakuha ng silver medal at P300,000 para kay Eumir Marcial na nakakuha ng bronze medal.

Ayon kay Zubiri, bawat senador ay nagbigay ng P100,000 para sa cash reward ng mga atleta.

Nauna nang pinarangalan ni Pangulong Rodrigo Duterte sina Diaz, Petecio, Paalam, at Marcial nitong Lunes sa Malacañang.

Iginawad kina Petecio, Paalam at Marcial ang Order of Lapulapu na may ranggong Kamagi, habang nakatanggap naman ng Presidential Medal of Merit si Diaz.

Natanggap din ng mga atleta ang kani-kaniyang mga cash incentives at certificate of turnover of housing mula sa pamahalaan.

Bukod dito, nakatanggap din ng Order of Lapulapu na may ranggong Kamagi si 1996 Olympics silver medalist Mansueto "Onyok" Velasco habang tig-P200,000 naman ang iba pang atletang lumahok sa Tokyo Olympics. 

- may ulat ni Jeffrey Hernaez, ABS-CBN News

RELATED VIDEO

Watch more on iWantTFC