PatrolPH

Manny Pacquiao talo vs Cuban boxer Yordenis Ugas

ABS-CBN News

Posted at Aug 22 2021 06:25 PM

Watch more on iWantTFC

Natalo si People's Champ Manny Pacquiao sa laban kay Cuban fighter Yordenis Ugas ngayong Linggo.

Full house ang T-Mobile Arena sa Las Vegas, Nevada para sa laban, kung saan pinangunahan ni J. Rey Soul ng Black Eyed Peas ang pagkanta ng pambansang awit ng Pilipinas.

Challenger si Pacquiao para sa WBA welterweight belt na hawak ng Cuban fighter.

Naging maganda para kay Pacman ang simula ng laban, na umabot ng 12 rounds.

Sa round 2, ginamit ni Ugas ang distansiya para makaiwas sa mga suntok ni Pacquiao. Tumama rin ang kaniyang paboritong overhand right.

Palitan ng kombinasyon sina Pacquiao at Ugas sa Round 3 at uminit ang aksiyon.

Sa pang-4 na round, nagbitiw ng low blow si Ugas at saglit nag-break ang fight.

Sa ikalawang bahagi ng laban, lalong naging problema kay Pacquiao ang haba ng reach ni Ugas at tuloy ang pagpasok ng kanan at body shots.

Maganda rin ang depensa ni Ugas at napanatili niya ang magandang counterpunching.

Na-pressure ni Pacquiao ang kalaban sa huling round pero hindi ito naging sapat.

Unanimous ang desisyon ng mga judge para kay Ugas, na nai-defend ang WBA welterweight belt.

Sa stats, nakita na napaka-accurate ng suntok ni Ugas sa 59 porsiyento kompara sa 16 porsiyento ni Pacquiao kahit mas marami pang suntok ang binitawan ng Pinoy boxer.

Aminado si Pacquiao na nahirapan siyang gumalaw dahil sa masakit na binti at paa.

"In-expect ko naman 'yong style niyang ganoon. Ang problema ko 'yong paa ko, hindi ko magalaw, tight," ani Pacquiao.

Sa locker, puno ng pagmamahal ang natanggap ni Pacquiao mula sa pamilya at Team Pacquiao. Isa-isa rin siyang niyakap ng kaniyang mga anak.

Ayon kay Coach Buboy Fernandez, maganda ang nilaban ni Ugas pero hindi umano makagalaw si Pacquiao.

Matagal sa locker si Pacquiao dahil kinailangan ng 5 stitch ang sugat sa kaliwang mata niya.

Pagharap sa media, nakabihis at naka-shades si Pacquiao, at nakangiti rin habang binalikan ang fight.

Magpapahinga muna raw si Pacquiao bago magdesisyon sa susunod na hakbang sa boxing.

Kahit bigo sa laban, nagpasalamat si Pacquiao sa Diyos para sa lakas na ibinigay sa kaniya at mga tagahanga na nagpakita ng pagmamahal.

— Ulat ni Dyan Casillejo, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.