Ama ni Hidilyn Diaz, 'proud' sa nakamit ng anak sa Asian Games

ABS-CBN News

Posted at Aug 22 2018 07:32 PM | Updated as of Aug 22 2018 08:31 PM

Watch more in iWantTFC

Balak ng Olympic silver medallist na si Hidilyn Diaz na gamiting pampaaral at pampaayos ng bahay ang premyong makukuha niya sa pagiging gold medalist sa Asian Games sa Jakarta, Indonesia nitong Martes. 

Ayon sa kaniyang ama na si Eduardo, sinabi sa kaniya ni Hidilyn na gagamitin ang pabuya pampaayos ng kanilang bahay sa Barangay Mampang sa Zamboanga nang magkausap sila sa telepono Miyerkoles ng umaga. 

Nagpasalamat si Eduardo dahil inisip ni Hidilyn ang kapakanan ng pamilya at mga kapwa-atleta.

Aminado naman si Hidilyn na nasorpresa siya sa P6 milyon na insentibo na matatanggap para sa nasungkit na ginto.

P2 milyon dito ang galing sa Philippine Olympic Committee, P2 milyon naman ang galing sa Philippine Sports Commission alinsunod sa Republic Act 10699, P1 milyon galing sa Siklab Pilipinas Sports Foundation, at may P1 milyon din galing kay Philippine ambassador to Indonesia Lee Hiong Wee.

“Ang ginawa ko nanghingi ako ng prayers sa mga kaibigan ko, suporta sa mga fans ko at sa pamilya ko kasi naniniwala ako kay God nothing is impossible,” ani Diaz sa isang pahayag. 

Maglalaan din siya ng pera pang-invest at pera para sa pag-aaral niya sa Maynila. ​

KUWENTO SA LIKOD NG GINTO

Watch more in iWantTFC

Tinalo ni Hidilyn ang 12 kalaban sa 53-kilo category ng weightlifting sa torneyo.

Parehong bumuhat ng 110 kilogram si Diaz at ang tubong-Turkmenistan na si Kristina Shermetova sa unang tangka sa clean and jerk ngunit nanatiling abante ng isang kilo ang katunggali sa laban. 

Sunod na binuhat ni Shermatova ang 113 kilos upang panatilihin ang maliit na kalamangan kontra kay Diaz.

Ngunit ginulat ng Pinay lifter ang lahat nang buhatin ang 115 kg sa ikalawang attempt upang umalagwa sa tuktok ng kompetisyon.

Hindi na nabuhat ni Shermetova ang 117 kilos na barbell, na naging hudyat na si Diaz na ang makakasungkit ng ginto.

Matapos ang kaniyang matagumpay na silver medal sa Rio Olympics noong 2016, nagpatayo si Diaz ng weightlifting gym gamit ang kaniyang insentibo noon para sa mga batang naghahangad na sumunod sa kaniyang yapak. 

Malaking bagay ito para sa kapatid ni Hidilyn na si Eduardo Jr., na nabigyan ng kaniyang ate ng motor at perang pang-negosyo. 

Inihahanda ang posibleng pagbibigay ng hero’s welcome kay Hidilyn, na posibleng isabay sa pagpapasinaya ng weight lifting training center ng lungsod. 

-- Ulat nina Dyan Castillejo at Jewel Reyes, ABS-CBN News 
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.