PatrolPH

NBA: Nasa peligro na nga ba ang kampanya ng Lakers, Bucks?

ABS-CBN News

Posted at Aug 21 2020 01:01 AM

NBA: Nasa peligro na nga ba ang kampanya ng Lakers, Bucks? 1
Kahit nasa kanila sina LeBron James (sa larawan) at Anthony Davis, kung patuloy silang magmimintis sa outside ay tiyak na mahihirapan makalabas ng first round ang LA Lakers. Joe Murphy, NBAE via Getty Images/AFP

Hindi inakala ng mga fans ng Los Angeles Lakers na payuyukuin ng Portland Trailblazers ang kanilang paboritong koponan sa Game 1 ng kanilang first-round series.

Pumukol ng 34 puntos si Damian Lillard tungo sa 100-93 panalo kontra sa tropa ni LeBron James na No. 1 seed sa Western Conference.

Di rin nakatulong sa Los Angeles ang malamig na outside shooting nito, kung saan 5 of 32 lamang sila sa 3-point area (15.6%), kompara sa 13-of-34 shooting (38.2%) ng Portland.

Inconsistent ang tira nila sa labas sa kasalukuyang bubble at, kahit na sa kanila sina James at Anthony Davis, kung patuloy silang magmimintis ay tiyak na mahihirapan silang makalabas ng first round. 

Alas-9 ng umaga Biyernes magtutunggali ang Lakers at Blazers para sa Game 2.

"I was pleased with our competitive spirit," ani Lakers coach Frank Vogel. "We didn't make shots. ... I think we can shoot the ball better than we saw tonight."

Tila nasa alanganin din ang season ng East top seed Milwaukee Bucks matapos silang ma-upset ng Orlando Magic sa Game 1.

Kung walang pandemya, may saysay sana ang pagkakaroon 1 to 8 na seeding dahil sa home-court advantage at kapaki-pakinabang nga ito sa Lakers at Bucks. 

Ngunit dahil sa neutral grounds sa loob ng Disney ang palaruan at walang epekto ang ingay ng home fans, parang naging level ang playing field. 

"All year we've been thriving off our own fans; we don't have that," pag-amin ni Bucks veteran point guard George Hill. 

"We haven't figured it out yet. When you get hit in the mouth, you gotta throw the next punch."

Para sa iba pang balitang pampalakasan, bisitahin ang ABS-CBN Sports website.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.