Pacquiao, namigay ng balato sa Sarangani

Jay Dayupay, ABS-CBN News

Posted at Aug 18 2019 01:41 PM

ALABEL, Sarangani Province – Masayang-masaya ang mga kababayan ni Manny Pacquiao sa Barangay Spring, nang sorpresang bumisita ang People's Champion sa kanila nitong Sabado ng hapon.

Ayon sa kanyang staff na si David Sisson, bigla lang umanong naisipan ni Pacquiao na bumisita sa Alabel, Sarangani Province.

"He just thought of going there. He did not inform the media. He just wanted to visit the Pacman village and gave out P1,000 for the adults and P500 for the kids," ayon kay Sisson.

 

Laking tuwa ni Aling Maxima Quirante dahil hindi nila inasahan ang pagbisita ni "Pacman."

"May bata kasi dito tumakbo sa amin, sabi niya andiyan si Pacman, namimigay ng pera," pahayag niya.

"Kaya ayon takbuhan kami lahat at nagpila talaga. Nabigyan ako P1,000, binili ko kaagad ng bigas. Salamat talaga kay Senator Manny, nakabili ako ng bigas."

Ayon kay Sisson, hindi bababa sa 600 katao ang nabigyan ni Pacquiao ng balato.

"Not just the Pacman villagers. There are times that along the highway, he would stop by a tricycle driver or a jeepney driver. He talks to them and then give out some cash," ani Sison.

Tuwing may laban si Pacquiao, dinadayo ng mga kababayan ang kanyang bahay sa General Santos City para makahingi ng balato. Karaniwan sa kanila ay mga may kamag-anak na may sakit o may malaking bill sa ospital.

Balik-GenSan si Pacquiao nitong Biyernes. Halos isang buwan ding hindi nakauwi si Pacquiao sa kanyang bahay sa GenSan pagkatapos ng kanyang panalo kay Keith Thurman.

Para sa iba pang balitang pampalakasan, pumunta sa website ng ABS-CBN Sports.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.