PatrolPH

Dating coach ni Lydia de Vega, bumisita sa burol ng sports legend

Jeffrey Hernaez, ABS-CBN News

Posted at Aug 16 2022 10:23 PM

Isa sa mga unang nagtungo sa St. Francis of Assisi Parish sa Meycauayan, Bulacan si Renato Santos, isa sa mga unang humasa sa galing ng namayapang sports legend na si Lydia de Vega.

Ayon kay Santos, guro siya ni De Vega noong Grade 5 pa lang ang atleta sa bayan nito sa Calvario sa Meycauayan.

Inilarawan niya si De Vega na kinalauna'y itinanghal na "Asia's Fastest Woman" noong 1980 na isang disiplinadong estudyante.

"Isang musmos na bata, maliit na babae, masunurin yan, kung ano ang ituro kong paraan sa pagtakbo, 'wag kang lilingon Lydia, ang takbo mo puro diretso, wag kang lilingon. 'Yun ang katangian niya masunurin siya, grade 5 pa lang siya," aniya.

Nagsagawa rin ng "Luksang Parangal" ang lokal na pamahalaan ng Meycauayan para sa kanilang kababayan. 

Ayon kay Mayor Henry Villarica, isang malaking kawalan ang pagpanaw ni De Vega na nagsilbi ring konsehal mula 2001 hanggang 2004.

 "Napakalaking kawalan para sa aming taga Meycauayan ang pagkamatay ng aming kababayan na si Lydia de Vega. Ang local government ay nakikiramay sa pamilya, lalong lalo na at one time naging part siya ng local government," ayon sa alkalde.

Plano rin ng lokal na pamahalaan na maglaan ng lugar para sa mga memorabilia ni De Vega sa ginagawang sports center sa lungsod.

"Sa mga darating na panahon, nag-iisip kami ng iba pang paraan para siya ay bigyan ng mas permanenteng karangalan sa pamamagitan siguro ng paglalagay namin ng memorabilia ng kanyang mga achievements," ani Villarica.

Nakatakdang ihatid sa huling hantungan ang sports legend alas-9 ng umaga, Miyerkoles.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.