PatrolPH

MPL Season 10: Kelra, idinetalye kung paano nakalaro kahit pumanaw ang lola

Angela Coloma, ABS-CBN News

Posted at Aug 12 2022 10:46 PM

Si Grant Duane MPL Philippines
Si Grant Duane "Kelra" Pillas noong laban ng Omega Esports kontra RSG Philippines sa pagbubukas ng MPL Season 10. Courtesy: MPL Philippines

MANILA - Mahusay ang naging performance ni Grant Duane "Kelra" Pillas sa kanilang panalo kontra defending champions RSG Philippines sa pagbubukas ng MPL Season 10 ngayong Biyernes. 

Sa katunayan, nahakot pa niya ang double MVP honor sa pagwalis nila sa Kingslayers. 

Sa panayam matapos ang kanilang panalo kontra sa defending ML:BB champions, idinetalye ng "The Filipino Savage" ang mga napagdaanan niya mula nang malaman ang masalimuot na balita. 

Dagdag pa niya na malapit siya sa yumaong lola. 

"Siyempre kagabi umiyak ako. Basta umiyak ako eh. Siya kasi yung pinaka-close sa lahat ng lola ko tapos yung naging mindset ko ano, pagkatapos ko umiyak inisip ko kung paano papasok sa stage kung paano ilalaro yong laban namin sa RSG. Basta inisip ko yung problema, tinanggal ko muna bago pumunta dito sa stage, tinanggal ko ang lungkot ko. Ngayon lang ulit ako nalulungkot," ani Kelra sa isang press conference. 

Si Kelra ang isa sa naging susi sa pagkapanalo ng tinaguriang "Comeback kings" kontra sa Kingslayers. 

Proud naman ang kapitan ng koponan na si Patrick "E2Max" Caidic sa ipinakita ng gold laner, sa kabila ng pinagdaraanan. 

"Tuwang tuwa ako. Lagi namin sinasabi kahit noong kagabi na parang dahil doon, sabi namin na ibigay niya ang panalo sa lola niya and tuwang-tuwa kami and nakita natin na ang laro niya ngayon, talagang iba," ani E2Max.

Sunod na makakalaban ng Omega ang karibal na Blacklist International sa Sabado. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.