MPBL: Pagiging ‘defensive’, maging tatak kaya ni Gerald Anderson sa liga?

ABS-CBN News

Posted at Aug 08 2018 08:38 PM

Base sa ipinakita niyang husay sa depensa Martes ng gabi, naniniwala si Gerald Anderson na maaaring ito ang maging calling card niya bilang basketbolista. MPBL Facebook

Masmaganda ang ipinakita ni Gerald Anderson kamakailan para sa Marikina Shoemasters sa Maharlika Pilipinas Basketball League.

Sa nakaraang laro kontra Quezon City, mistulang "morale-booster" lang ang naging papel ng Kapamilya actor pero mas mabigat ang nai-ambag niya laban sa Pasig Martes ng gabi.

Nakapagtala si Anderson ng 1 point, 1 rebound, 1 assist at 3 steals sa 15 minuto sa court.

Nanaig ang Shoemasters 71-67.

"Yes, at least may marker na ako pero abangan niyo yung next game," ani Anderson sa isang artikulong ipinost sa ABS-CBN Sports website.

"Ang sarap-sarap maglaro sa harap ng home crowd. I hope they enjoyed that at nakapagbigay kami ng panalo."

Base sa ipinakita niyang husay sa depensa, naniniwala si Anderson na maaaring ito ang maging calling card niya bilang basketbolista.

"Kanina nakapag-create ako ng kaunting stops. Ang importante panalo at ginawa ng lahat 'yung best nila para makapag-contribute sa team," aniya.

Para sa iba pang balitang pampalakasan, bisitahin ang ABS-CBN Sports website

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.