PH mag-uuwi ng 4 medalya sa makasaysayang Olympics matapos ang silver ni Paalam

ABS-CBN News

Posted at Aug 07 2021 03:10 PM | Updated as of Aug 07 2021 07:36 PM

Opisyal na nakuha ni Carlo Paalam ang ika-4 medalya ng Pilipinas sa Tokyo Olympics matapos ang pagkatalo sa kalabang si Galal Yafai sa gold medal match ng flyweight boxing. Mag-uuwi ng silver medal si Paalam.
Opisyal na nakuha ni Carlo Paalam ang ika-4 medalya ng Pilipinas sa Tokyo Olympics matapos ang pagkatalo sa kalabang si Galal Yafai sa gold medal match ng flyweight boxing. Mag-uuwi ng silver medal si Paalam. Luis Robayo, Reuters 

MAYNILA—Mag-uuwi ng Olympic silver medal ang Pinoy boxer na si Carlo Paalam matapos matalo sa kalaban na taga-Great Britain, sa pagwawakas ng pinakamahusay na Olympic campaign ng Pilipinas sa 97 taong paglahok sa palaro, Sabado ng hapon. 

Tinalo si Paalam ni Galal Yafai sa flyweight final sa Kokugikan Stadium sa Tokyo. 

Sa unang round ay napatumba ni Yafai si Paalam pero agad din itong bumangon. 

Nabuhayan sa ika-2 at ika-3 round si Paalam pero sa huli ay napunta ang gintong medalya kay Yafai, sa pamamagitan ng 4-1 split decision. 

Matapos ang resulta, opisyal na mag-uwwi ng 4 na medalya ang Pilipinas, kabilang ang makasaysayang gold medal na nakuha ng weighlifter na si Hidilyn Diaz noong Hulyo 26. 

Tatlo sa apat na medalya ng Pilipinas ay galing sa boxing contingent ng bansa. Bukod kay Paalam, mag-uuwi ng silver at bronze sina Nesthy Petecio at Eumir Marcial. 

Huling nag-uwi ng medalya ang Pilipinas sa boxing sa Atlanta 1996, kung saan tumanggap ng silver si Mansueto "Onyok" Velasco. 

Huling nag-uwi ng higit 1 medalya sa isang Olympiad ang Pilipinas noong 1932, sa pamamagitan nina Simeon Toribio, Jose Villanueva, at Teofilo Yldefonso ng tig-1 bronze. Ito na rin ang pinakamaraming mauuwing medalya ng Pilipinas sa kasaysayan ng paglahok nito sa Olympics. 

KAUGNAY NA BALITA: 

Watch more on iWantTFC