Silver medallist Carlo Paalam of the Philippines stands on the podium during the medal ceremony. Ueslei Marcelino, Reuters
Nagpasalamat ang Pamilya Paalam sa mga sumuporta kay Carlo matapos magkamit ng silver medal sa Tokyo Olympics Sabado.
Ito ay kahit pa natalo si Paalam kay Galal Yafai ng Great Britain.
Sabi ni Jocelyn, nanay ni Paalam, bata pa naman si Carlo at babawi na lang sa susunod na Olympics. Ipinagmamalaki rin ni Peo Rio ang nakamtan ng anak.
"Carlo, mahal ka namin. OK lang 'yan walang problema. Basta't safe ka lang at ipinakita mo ang best mo," ani Jocelyn.
Mungkahi naman sa aman: "Ingat ka palagi, anak. Gold ka sa buhay namin. Tanggap ka namin, anak. Maraming salamat dahil ligtas ka. Thank you Lord na naka-silver ka. Thank you Lord."
Si Carlo Paalam habang ipinakikita ang kanyang silver medal sa GF na si Stephanie Sepulveda. Kuha ni Sepulveda
Proud na proud din ang kanyiang mga kababayan sa Cagayan de Oro. Ang lungsod ay nagbigay ng mensahe sa Facebook bilang pagpupugay sa boksingero.
Isang computer shop ang nag-alok ng computer set para kay Paalam. Maging ang pastry chef na si Mon Cardenas nag-post sa Facebook na, kung ikakasal man si Paalam, siya ang bahala sa wedding cake, dessert buffet, at cocktail.
Isang maliit na kainan ang pinagsaluhan ng mga magulang ni Paalam at pamilya ng girlfriend na si Stephanie Sepulveda. Mayroon ding namimigay ng pagkain at Olympic cake at golden glove na cake kung saan nakalagay ang pangalan ni Paalam.
Ang cake na pinagsaluhan ng Pamilya Paalam at Sepulveda. Kuha ni Sepulveda
"Bonus na po 'yung may maiuuwi na silver medal sa atin sa Pilipinas," ani Sepulveda.
Si Paalam ay dating nangangalakal ng basura sa Cagayan de Oro nang madiskubre at mag-train sa boxing program ng lokal na pamahalaan.
Ngayong nakamit na niya ang silver medal, umaasa ang kanyang mga mahal sa buhay at mga kababayan na magtatagumpay ito sa mga susunod pang laban sa ring at maging sa buhay. — PJ dela Pena
For breaking news and latest developments on the Summer Olympics in Tokyo, visit https://news.abs-cbn.com/tokyo-olympics
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.