PatrolPH TFC News

Pinoy Muay Thai champion Delarmino nakauwi na matapos ma-stranded sa Dubai

ABS-CBN News

Posted at Aug 04 2021 08:09 PM | Updated as of Aug 06 2021 01:53 PM

Nakalipad na papuntang Pilipinas si World Muay Thai Council featherweight Asian title holder na si Phillip Delarmino at coach nitong Billy Alumno matapos maipit sa Dubai.
Nakalipad na papuntang Pilipinas si World Muay Thai Council featherweight Asian title holder na si Phillip Delarmino at coach nitong Billy Alumno matapos maipit sa Dubai. Larawan mula sa World Muay Thai Council

DUBAI -- Nakauwi na sa Pilipinas ngayong Miyerkoles ang World Muay Thai Council featherweight Asian title holder na si Phillip Delarmino at ang kanyang coach na si Billy Alumno matapos silang ma-stranded sa Dubai ng mahigit isang buwan dahil sa travel ban ng Pilipinas sa United Arab Emirates at Oman.

Laking tuwa nina Delarmino na makakauwi na sila.

“Ang saya-saya po namin ni Coach Billy. Sa wakas dahil sa tagal po naming na-stranded dito sa Dubai makakauwi na kami," sabi niya.

Hunyo 27 dapat nakalipad ang dalawa matapos lumaban at manalo sa Dubai noong Hunyo 25.

Sumubok silang mag-apply sa repatriation program ng gobyerno pero sa dami ng nasa priority list, hindi sila makakuha ng booking.

Naging daan ang commercial repatriation flight para sila makalipad sa tulong na rin ng UAE Muay Thai and Kickboxing Federation.

“Kahit na-stranded po kami, nand'yan po sila, sinuportahan po kami. Tinulungan po kami lalong lalo na 'yung mga kababayang martial artists dito sa Dubai," ani Delarmino.

"Ako po ay nagpapasalamat sa United Arab Muay Thai Federation na sila po ang sumuiporta sa amin. Hindi po kami iniwanan. Sila po ang nag-asikaso sa amin kahit na tagalan kaming na-stranded dito," ani Alumno.

Dagdag niya, nagpapasalamat din sila sa mga Pinoy sa Dubai na tumulong sa kanila lalo ika niya sa mga taga-Baguio na martial arts group. -- Rachel Salinel, ABS-CBN News

RELATED VIDEO

Watch more on iWantTFC
Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.