PatrolPH

Olympics: Petecio nag-uwi ng silver; Paalam iuuwi ang ika-4 na PH medal

ABS-CBN News

Posted at Aug 03 2021 02:59 PM | Updated as of Aug 03 2021 08:56 PM

Watch more on iWantTFC

MAYNILA (2ND UPDATE) — Nanalo ng Olympic silver medal ang Filipina boxer na si Nesthy Petecio, habang sigurado rin na may bronze medal ang Pilipinas matapos makapasok sa semifinals ang boksingerong si Carlo Paalam nitong Martes. 

Natalo si Petecio ng kaniyang kalabang Japanese na si Sena Irie sa unanimous decision sa women's featherweight finals ng Tokyo Olympics. Ito ang unang silver ng Pilipinas as Olympics ngayong taon.

Nakuha ni Irie ang pagpabor ng 5 hurado sa unang round, habang nakabawi si Petecio sa ika-2. 

Pukpukan ang ika-3 round at nagawa ni Petecio na makatama ng left hook hanggang sa tumunog ang bell, pero sa huli ay mas nanaig si Irie. 

Ilang beses na ring nakatunggali ni Petecio si Irie. 

Watch more on iWantTFC

 

Emosyonal si Petecio sa pagtanggap ng kaniyang silver medal. 

"Sarap sa pakiramdam, sarap sana kung gold pero kinapos tayo... Pero binigay eto ni Lord, sobrang thankful ako," ani Petecio, na hatid ang tagumpay para sa Pilipinas, mga coach, at mga kaibigan. 

Tanggap din niya ang desisyon sa laban. 

Sa ngayon, isang gold at isang silver na ang nahakot ng Pilipinas sa Olympics, batay sa official medal count. 

Watch more on iWantTFC

Samantala, sigurado nang makakakuha ng Olympic medal si Paalam matapos umabante sa semifinals sa men's flyweight.

Natalo ni Paalam ang reigning Olympic champion na si Shakhobidin Zoirov ng Uzbekistan para umusad. 

Watch more on iWantTFC

Hindi naging madali ang Olympic journey ni Paalam, na lumaki sa hirap. 

Edad 9 nang magsimula siyang mangalakal ng basura sa landfill at nadiskubre naman noong 2009 ang kaniyang talento sa boxing.

Sa edad na 19 nakuha naman ni Paalam ang bronze medal sa Asian Games at gold medal sa Southeast Asian Games. 

Agosto 5 ang susunod na laban ni Paalam. 

Sa naging resulta ni Paalam ay sigurado nang makakapag-uwi ng 4 na medalya ang Pilipinas sa Olympics ngayong taon. 

Ito na ang pinakamaraming medalyang maiuuwi ng Pilipinas magmula noong Olympics sa Los Angeles, 1932, kung saan nakakuha ang bansa ng 3 bronze. 

-- May mga ulat nina Dyan Castillejo at Jeff Canoy, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.