PatrolPH

Buboy, Roach magkaiba nga ba ang opinyon sa pagreretiro ni Pacquiao?

ABS-CBN News

Posted at Aug 03 2019 05:53 PM

Buboy, Roach magkaiba nga ba ang opinyon sa pagreretiro ni Pacquiao? 1
Sa opinyon ni Freddie Roach, kaya pa ni Manny Pacquiao lumaban, "because his health is good, his mind." Apu Gomes, AFP

Tila mayroon na namang trabahong kahaharapin si World Boxing Association welterweight king Manny Pacquiao na kailangan agapan bago tuluyang lumala.

Ito ay kinasasangkutan ng dalawa sa pinakaimportanteng tao sa kampo ni Pacman: sina Freddie Roach at Buboy Fernandez.

Halos 2 linggo matapos ang panalo ni Pacquiao kontra kay Keith Thurman sa Las Vegas, nakausap ng Manila Bulletin si Roach sa isang eksklusibong panayam kung saan hindi nito nagustuhan ang sinabi ni Fernandez na siya ang may karapatan makapagsabi kung kailan magreretiro si Pacman.

“If I ever see signs of him slowing down, I’d be the first one to say it. Buboy said the other day that I don’t have the power to do that. Buboy, I don’t have the power to do that but my suggestion to him would be honest,” ani Roach bago nito sanayin si African super-bantamweight boxer Isaac Dogboe.

“I am really pissed off that he said that about me,” dagdag ni Roach, patungkol sa naging pahayag ni Fernandez sa mga Pilipinong mamamahayag isang araw matapos ang split decision win ni Pacman.

Sa nasabing panayam, inako ni Fernandez na ngayon ay bise alkalde ng baan ng Polangui, Albay, na siya ang eksaktong nakakaalam ng mas makabubuti kay Pacquiao na matagal na nitong kaibigan.

Para naman kay Roach, dapat magpahinga na muna ang Filipino fighter sa pakikipaglaban sa ibabaw ng ring mga natitirang buwan ng taon lalo pa't 40 anyos na ito.

Bagamat hindi nagkakasundo kung kailan isasabit ni Pacman ang kaniyang mga glove, pareho naman ang opinyon nang dalawang tagapagsanay na dapat iwasan ng senador na harapin sina Errol Spence at Terence Crawford.

Si Spence ang may tangan ng International Boxing Federation title habang si Crawford naman ang World Boxing Organization champion. Ang dating sparmate ni Pacquiao na si Shawn Porter ang siya namang hari ng World Boxing Council.

“There’s a couple of guys that maybe we should stay away from and these guys are young, young, young killers,” pag-amin ni Roach.

Hindi umano patas kung sakaling harapin ni Pacquiao ang mga ito lalo na't 41 na ito sa kaniyang pagbabalik ring sa susunod na taon.

Ngunit tiwala pa rin si Roach na kapag lubusang nakapaghanda ang boksingero, kaya pa rin nitong bugbugin ang mga batang fighter katulad ng ginawa niya sa unang round ng laban kay Thurman sa MGM Grand.

“If Manny sucks it up what he did in the last fight and shows these young guys how it’s all about . . . I mean, it’s just not over yet because his health is good, his mind,” kuwento ni Roach.

Para sa iba pang balitang pampalakasan, bisitahin ang ABS-CBN Sports website.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.