PatrolPH

Petecio minsang inisip tumigil sa boxing; ngayon, malapit na sa Olympic gold

ABS-CBN News

Posted at Jul 31 2021 05:19 PM | Updated as of Jul 31 2021 11:39 PM

Petecio minsang inisip tumigil sa boxing; ngayon, malapit na sa Olympic gold 1
Minsan nang naisip na tumigil ni Nesthy Petecio sa pagboboksing ngunit ngayon ay malapit na itong umukit ng kasaysayan. George Calvelo, ABS-CBN News

May mga pagkatalo na nag-iiwan ng latay higit lalo sa mga atleta.
 
May mga pagkabigo na kukuwestyon sa kakayahan ng isang manlalaro. 

Noong 2018, isa lamang ang inaasam ni Nesthy Petecio -- ang makuha ang ginto sa Asian Games. Ngunit hindi ito nangyari. Maagang naalis sa kompetisyon ang boksingera.

Naging mabigat ang pgdadala ni Petecio sa pagkatalo. Nagdulot ito ng depresyon sa atleta at bumitaw sa paniniwala sa Panginoon. 

“Nung hindi ibinigay sa akin [Asian Games gold medal] bumitaw ako kay Lord. Nagtampo ako sa kanya. Kinuwestyon ko talaga siya. ‘Ano pa bang paghihirap ang gusto Mong pagdaanan ko?’” pahayag ni Petecio sa “Go Hard Girls” base sa ulat ng ANCx

Dito napag-isipan ng manlalaro na tumigil na sa isport at maghanap na lamang ng ibang trabaho. 

Ngunit kagaya ng maraming atleta, may humihinto sa isports hindi dahil para tumigil -- kundi para magpahinga lamang. 

Pansamantalang tumigil si Petecio sa pagboboksing ngunit nakumbinsi ulit na bumalik noong 2019 kung saan nagkampeon ito sa 2019 Thailand Open International Boxing Championship.

Nagpatuloy ang pananalasa ni Petecio sa ibabaw ng ring na sikwatin ang ginto sa AIBA Women’s Boxing World Championships sa kaparehong taon. 

Ito ang nagpaangat sa kaniya sa world rankings na naging dahilan ng pagpasok niya sa Olympics. 

Ngayong Sabado, matapos ang hirap na pinagdaanan, unti-unti nang nauunawaan ni Petecio kung bakit nangyari ang mga pagkabigo noon. Tila isang paghahanda sa pinakamalaking kompetisyon para sa kaniyang karera bilang atleta. 

Tatlong taon matapos muntikang tumigil sa boxing, nakarating na sa gold medal match si Petecio, hindi sa Asian Games, kundi sa Tokyo Olympics -- isang panalo na lamang para sa gintong medalya sa Olimpiyada. 

“Sobrang thankful ko sa mga taong naniwala po talaga sa akin at sa kakayahan ko. Ipinaramdam nila sa akin na hindi pa tapos yung career ko sa boxing noong 2018. Especially sa coach ko, pinaintindi niya sakin kung ano ibig sabihin ng boxing,” ani Petecio sa panayam matapos ang semifinal win kontra kay Irma Testa ng Italy. 

Sakaling manalo sa Agosto 3 sa gold medal round, si Petecio ang ikalawang Pinay na mananalo ng gintong medalya sa Olympics at unang boksingero ng bansa na tutuntong sa pinakamataas na puwesto sa podium. 

Nag-iwan man ng latay ang pagkatalo ni Petecio noong 2018 ngunit hindi pa rin nito nagawang iwan ang boksing.

Kinuwestyon man niya ang kakayahan at Diyos mula sa pagkabigo sa Asian Games ngunit tila naihanda pala siya sa mas malaking laban -- kung saan uukit ito ng kasaysayan. 

“Walang hinto hangga’t walang ginto,” minsan nang sinabi ni Petecio.

For breaking news and latest developments on the Summer Olympics in Tokyo, visit https://news.abs-cbn.com/tokyo-olympics

RELATED VIDEO

Watch more on iWantTFC
Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.