PatrolPH

Nesthy Petecio isang panalo na lang bago makuha ika-2 PH Olympic gold

ABS-CBN News

Posted at Jul 31 2021 07:26 PM | Updated as of Jul 31 2021 11:45 PM

Watch more on iWantTFC

MAYNILA—Muling pinatunayan ni Nesthy Petecio ang sinabi niyang "walang hinto, hangga't walang ginto", matapos pumasok sa women's featherweight final sa Olympic boxing sa Tokyo. 

Ito ay matapos niyang talunin ang katunggaling Italian na si Irma Testa sa semifinals Sabado. 

Kita agad ang height advantage ni Testa na dinomina ang first round, pero hindi nagpatinag si Petecio na unang beses pa lang sumabak sa Olympics. 

Nagpakawala ng umaatikabong suntok si Petecio sa ikalawang round, at hindi na napigilan ni Testa ang counterpunches ng Filipina sa ikatlo. 

Sa huli, split decision ang resulta pabor kay Petecio.

Napasigaw at napaiyak si Petecio na muling lalaban sa Agosto 3. Ito rin ang unang beses na umabot sa boxing finals ang Pilipinas sa nakalipas na 25 taon. 

Huling naka-silver si Mansueto "Onyok" Velasco sa Atlanta 1996. 

Masayang nag-cheer ang kapwa boksingerong sina Irish Magno at Carlo Paalam habang pinapanood ang kaniyang laban. 

Pasok naman sa quarterfinals ng men's flyweight division si Carlo Paalam matapos talunin si Mohammed Flissi ng Algeria. 

Hindi kinaya ni Flissi ang bilis at counterpunches ni Paalam na binigyan ng unanimous vote para manalo. 

Makakaharap ni Paalam si Shakhobidin Zairov ng Uzbekistan sa Agosto 3. 

Pumasok din sa final ng pole vault si EJ Obiena, matapos malagpasan ang 5.75 meters. 

Isa sa makakaharap ni Obiena ang world record holder na si Armand Duplantis ng Sweden. 

Nagtapos naman si Juvic Pangunsan sa ika-55 na puwesto sa ika-3 round ng Olympic golf tournament. Sasabak sa ika-4 round si Pangusan sa Linggo. — Ulat ni Jeffrey Hernaez, ABS-CBN News

For breaking news and latest developments on the Summer Olympics in Tokyo, visit https://news.abs-cbn.com/tokyo-olympics

RELATED VIDEO

Watch more on iWantTFC
Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.